Maaga pa lang ay nag-titipon na ang mga nanay sa loob ng kapilya at nag-aabang. Inaantay ang mga bulto-bultong nabiling gulay sa balintawak upang ayusin at i-repack ng maayos. Ganito nag-sisimula ang araw sa Community Pantry ng Sitio Militar Brgy. Bahay Toro Q.C. Sa loob ng halos isang buwan, nagbukas ang community pantry sa aming lugar ng walong beses. At sa tuwing bukas ang pantry hindi bababa sa limangdaang katao ang aming natutulungan.
Ang Community Pantry sa Sitio Militar ay inisyatibo ng Ina ng Laging Saklolo Chapel sa pangunguna ni Fr. Patrick Santianez, SX na aming priest in charge. Ito po ay insipirasyon galing sa unang Community Pantry sa Maginhawa Street.
Maraming mga experience at aral ang aking natutunan sa ginawang community pantry. At una na rito ang, kabutihang loob ng mga tao. Walang pantry kung walang taong magbabahagi ng kanilang biyaya, kaya isang taos pusong pasasalamat sa mga sponsors. Ang kakaiba po sa Community Pantry lahat pwedeng magbahagi, at kayang magbahagi. Nakakatuwang maisip na kahit hirap din sa buhay kaya pa ring magbigay. May mga taga-Sitio Militar na nagbigay din ng kanilang bahagi sa pantry, Yung iba pagkain at ang ilan ang kanilang serbisyo bilang volunteer. Sabi ng isang nanay na aking nakausap “Nakakahiya naman kung tanggap lang ng tanggap gusto ko naman tumulong din kahit papaano sa pamamagitan ng pag-rerepack.”
Ikalawa, tiwala. Tiwala sa layunin ng proyekto at tiwala sa mga tao. Bago mag simula ang community pantry naroon ang agam-agam namin sapagkat mahirap po ang sitwasyon sa Sitio Militar. Sa kabila nito amin itong sinubukan at nairaos naman ng maayos ang pantry. May mga problema na engkwentro ngunit sa kabuuan ito’y naging matagumpay. Isang paalala na kung hindi tayo susubok di natin makikita ang resulta.
Ikatlo tinuturuan tayo ng pantry na alalahanin din ang iba. “kumuha ayon sa pangangailangan”. Sapat lang ang kukunin para sa pamilya, para makakain din ang iba. Meron sigurong iilan na nanamantala ngunit marami pa rin naman ang sumunod sa ating paalala. Sa pamamagitan nito tinuturuan natin ang mga tao na isipin din ang kanilang kapwa.
At pang-huli ay ang espiritu ng bayanihan at pag-kakaisa. Ang ating layunin na makatulong sa kapwa ang nagbubuklod sa atin para mag-kaisa. Isang napagandang karanasan din para sa mga naglilinkod sa ating kapilya ang ganitong gawain sapagkat pinagtitibay nito ang kanilang samahan.
Sa kabuuan, lubos ang aming pasasalamat proyektong ito, sa mga karanasan at aral na natutunan. Tunay ngang sa pamamagitan ng simpleng kabutihan, malaki ang epekto sa kabuuan. Patuloy nawa tayong gumawa ng mga kabutihan sa ating kapwa. Sapagkat sa huli, Walang sinuman ang nabubuhay, para sa sarili lamang.
