Skip to main content

PAGTATANOD SA BANAL NA SANTISIMO SAKRAMENT

| Francisco Javier Beltran Aceves

UNANG SANGKAPAT

N: Magsiluhod ang lahat.

PAMBUNGAD NA PANALANGIN

N: Panginoong Hesukristo na nasa Kabanal-banalang Sakramento: masdan Mo po kaming naririto sa Iyong harapan upang tumugon sa Iyong tawag: “Hindi ba kayo makapagbantay kahit isang oras man lang? Magpuyat kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso.” Nawa ang aming pagsamba at pagtanggap sa Iyong Banal na Eukaristiya ay magbuklod sa amin bilang tapat Mong mga alagad.  Hinihiling naming ito sa Iyong pamamagitan, Ikaw na aming Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan.

B: Amen.

N: Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan (Juan 13:1-8, 12-17)

B: Papuri sa Iyo, Panginoon.

N: Bisperas na noon ng Paskwa. Alam ni Jesus na dumating na ang takdang oras ng kanyang pag-alis sa daigdig na ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa daigdig, at sila'y minahal niya hanggang sa wakas.

Pagsapit ng hapunan, inilagay na ng diyablo sa isip ni Judas, na anak ni Simon Iscariote, na ipagkanulo niya si Jesus. Alam ni Jesus na ibinigay na ng Ama sa kanya ang buong kapangyarihan; at alam niyang siya'y mula sa Diyos at babalik sa Diyos. Kaya't siya'y tumayo mula sa hapag, nag-alis ng panlabas na balabal at nagbigkis ng tuwalya sa baywang. Pagkatapos, naglagay siya ng tubig sa palanggana at sinimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanyang baywang.

Paglapit niya kay Simon Pedro, sinabi nito sa kanya, “Panginoon, huhugasan n'yo ba ang aking mga paa?” Sumagot si Jesus, “Hindi mo nauunawaan ngayon ang ginagawa ko, ngunit mauunawaan mo rin pagkatapos.” Muling nagsalita si Pedro, “Hinding-hindi ninyo huhugasan ang aking mga paa!” Ngunit sinabi ni Jesus, “Kung hindi kita huhugasan, wala kang kaugnayan sa akin.”

Nang mahugasan na ni Jesus ang kanilang mga paa, muli niyang isinuot ang kanyang balabal at nagbalik sa kinaupuan niya. Sinabi niya sa kanila, “Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ganoon nga ako. Kung ako ngang Panginoon at Guro ninyo ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong hugasan ang mga paa ng isa't isa. Binigyan ko kayo ng halimbawa upang inyong tularan. Pakatandaan ninyo, ang alipin ay hindi nakakahigit sa kanyang panginoon, ni ang sinugo kaysa sa nagsugo sa kanya. Ngayong alam na ninyo ito, pinagpala kayo kung ito'y gagawin ninyo.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

B: Pinupuri Ka naming Panginoong Hesukristo.

N: Magsiupo ang lahat.

(Limang minutong katahimikan para sa pagninilay)

N: Magsiluhod ang lahat.

SALMO 72:1-11

N: Si Hesukristo, ang panganay na isinilang mula sa kamatayan at hari ng mga hari sa lupa, ay ginawa tayong maharlikang bayan upang maglingkod sa Kanyang Diyos at Ama.

N1: Turuan mo po ang haring humatol nang makat'wiran, sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya'y bahaginan;nang matuwid na tuparin tungkulin sa iyong bayan, at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.

N2: Ang lupain nawa niya'y umunlad at managana; maghari ang katarungan sa lupain nitong bansa. Maging tapat itong hari sa paghatol sa mahirap, mga nangangailangan, pag-ukulan ng paglingap;
at ang nang-aapi ay lupigin at ibagsak.

N1: Nawa sila ay maglingkod, silang lahat mong hinirang, hangga't araw sumisikat, hangga't buwa'y sumisilang. Ang hari sana'y matulad sa ulan ng kaparangan; bumubuhos, dumidilig sa lahat ng nabubuhay.

N2: At ang buhay na matuwid sa kanyang kapanahunan, maghari sa bansa niya't umunlad kailanpaman. Nawa kanyang kaharian ay lubusan ngang lumawak, mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.

N1: Sa harap niya ay susuko mga taong nasa ilang; isubsob nga sa lupa, lahat ng kanyang kaaway.
Mga haring nasa pulo at naroon sa Espanya, maghahandog ng kaloob upang parangalan siya.

N2: Pati rin ang mga hari ng Arabia at Etiopia, may mga kaloob ding ibibigay sa kanya.
Ang lahat ng mga hari, gagalang sa harap niya, mga bansa'y magpupuri't maglilingkod sa tuwina.

B: Papuri sa Ama, at sa Anak at sa Espiritu Santo.
Kapara noon una, ngayon at magpakailanman at magpasawalang hanggan. Amen.

MGA PAGLUHOG

N: Lahat ng papuri at kadakilaan ay sa Diyos, sapagkat sa dugo ni Kristo kanyang pinagtibay ang bago at walang hanggang tipan sa Kanyang sambayanan, at patuloy na binubuhay sa sakramento ng banal na hapag. Ating itaas ang ating mga tinig sa panalangin, ating itutugon:

BASBASAN MO ANG IYONG BAYAN, PANGINOON.

N: Panginoon, gabayan Mo po ang isipan at kalooban ng Iyong sambayanan lalo na ng mga naglilingkkod sa pamahalaan upang hanapin nila ang ikabubuti ng lahat. (Tugon)

N: Palakasin ang diwa ng pagtatatlaga ng mga taong iniwan ang lahat para sumunod kay Kristo, nawa’y maging maningning silang saksi sa kabanalan ng Simbahan. (Tugon)

N: Nilikha Mo ang tao na Iyong kalarawan, kanila nawang panindigan ang karangalang ito. (Tugon)

N: Ibalik Mo sa Iyong piling ang mga naligaw, at turuan kaming maging hand ana tulungan sila. (Tugon)

N: Amang makapangyarihan, itinuro sa amin ng Iyong bugtong na Anak na ang tunay na pamumuno ay nasa paglilingkod. Maging handa nawa kaming maglingkod sa aming kapwa lalo na sa mga kapuspalad at nangangailangan. Hinihiling naming ito sa pamamagitan ni Kritso na aming Panginoon, kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

B: Amen.

(Instrumental Music)

IKALAWANG SANGKAPAT

N: Magsiluhod ang lahat.

N: Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan (Juan 17:1-10)

B: Papuri sa Iyo, Panginoon.

N: Pagkasabi ni Jesus ng mga ito, tumingala siya sa langit at kanyang sinabi, “Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak upang luwalhatiin ka niya. Sapagkat binigyan mo siya ng kapangyarihan sa lahat ng tao upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kanya. At ito ang buhay na walang hanggan: ang makilala ka nila na iisang tunay na Diyos, at si Jesu-Cristo na iyong isinugo. Inihayag ko dito sa lupa ang iyong kaluwalhatian; natapos ko na ang ipinapagawa mo sa akin. Kaya, Ama, ipagkaloob mo sa akin ngayon sa iyong harapan ang kaluwalhatiang taglay ko sa piling mo bago pa likhain ang sanlibutan.

“Ipinahayag ko na kung sino ka sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila'y iyo at ibinigay mo sila sa akin, at tinupad nila ang iyong salita. Alam na nila na ang lahat ng ibinigay mo sa akin ay mula sa iyo; dahil ibinigay ko sa kanila ang mga salitang ibinigay mo sa akin, at tinanggap nila. Natitiyak nilang ako'y tunay na galing sa iyo, at naniniwala silang ikaw nga ang nagsugo sa akin.

“Idinadalangin ko sila; hindi ang sanlibutang ito ang idinadalangin ko, kundi ang lahat ng ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y sa iyo. Ang lahat ng sa akin ay sa iyo, at ang lahat ng sa iyo ay sa akin; at naluluwalhati ako sa pamamagitan nila.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

B: Pinupuri Ka naming Panginoong Hesukristo.

N: Magsiupo ang lahat.

(Limang minutong katahimikan para sa pagninilay)

N: Magsiluhod ang lahat.

SALMO 72:12-19

N: Ang Panginoon ang tagapagsanggalang ng mga api; palalayain Niya ang mahihirap mula sa kamay ng mga makapangyarihan.

N1: Kanyang inililigtas ang mga dukhang tumatawag, lalo na ang nalimutan, mga taong mahihirap; sa ganitong mga tao siya'y lubhang nahahabag; sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.

N2: Inaagaw niya sila sa kamay ng mararahas, sa kanya ang buhay nila'y mahalagang hindi hamak. Pagpalain itong hari! Siya nawa ay mabuhay! At magbuhat sa Arabia'y magtamo ng gintong-yaman; sa tuwina siya nawa'y idalangin nitong bayan, kalingain nawa ng Diyos, pagpalain habang buhay.

N1: Sa lupai'y sumagana nawang lagi ang pagkain; ang lahat ng kaburulan ay mapuno ng pananim at matulad sa Lebanon na mauunlad ang lupain. At ang kanyang mga lunsod, dumami ang mamamayan, sindami ng mga damong tumubo sa kaparangan.

N2: Nawa ang kanyang pangalan ay huwag nang malimutan, manatiling bantog hangga't sumisikat itong araw. Nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa, at sa Diyos, silang lahat dumalanging: “Harinawa, pagpalain kaming lahat, tulad niyang pinagpala.”

N1: Ang Poon, Diyos ng Israel, purihin ng taong madla; ang kahanga-hangang bagay tanging siya ang may gawa. Ang dakilang ngalan niya ay purihin kailanman, at siya ay dakilain nitong buong sanlibutan!

Amen! Amen!

B: Papuri sa Ama, at sa Anak at sa Espiritu Santo.
Kapara noon una, ngayon at magpakailanman at magpasawalang hanggan. Amen.

MGA PAGLUHOG

N: Pinabanal ng Panginoong Hesus ang Kanyang sambayanan sa Kanyang dugo, tumawag tayo sa Kanya at sabihin:

PANGINOON, KAAWAAN MO ANG IYONG BAYAN.

N: Maibiging Manunubos, sa pamamagitan ng Iyong pagpapakasakit, turuan kaming kalimutan ang sarili, palakasin kami laban sa masama at kaaway, at dagdagan ang aming pag-asa upang maging handa kaming ipagdiwang ang Iyong muling Pagkabuhay. (Tugon)

N: Itulot Mo na ang lahat ng Kristiyano, bilang Iyong propeta, ay magpahayag sa lahat ng dako ang Iyong pagliligtas at maging saksi saw agas na pananampalataya, pag-asa at pag-ibig. (Tugon)

N: Bigyan Mo ng lakas ang mga namimighati, at tulungan kami na madamayan sila. (Tugon)

N: Turuan Mo ang mga mananampalataya na makita ang Iyong pagpapakasakit sa kanilang mga pagdurusa, at maipahayag sa iba ang Iyong pagliligtas. (Tugon)

N: Amang mapagkalinga, bigyan Mo ng lakas kaming mga mahihina upang maipakilala Ka naming at ang Iyong bugtong na Anak sa sanlibutan.  Maparangalan Ka nawa naming sa pamamagitan ni Hesukristo na aming Panginoon kasama ng Espiritu Santo ngayon at magpasawalang hanggan.

B: Amen.

(Instrumental Music)

IKATLONG SANGKAPAT

N: Magsiluhod ang lahat.

N: Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan (Juan 14:15-21)

B: Papuri sa Iyo, Panginoon.

N: “Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos. Dadalangin ako sa Ama, upang kayo'y bigyan niya ng isa pang Patnubay na magiging kasama ninyo magpakailanman. Siya ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat siya ay hindi nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya, sapagkat siya'y nasa inyo at siya'y mananatili sa inyo.

“Hindi ko kayo iiwang mga ulila; babalik ako sa inyo. Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutang ito. Ngunit ako'y makikita ninyo; sapagkat buháy ako, mabubuhay rin kayo. Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako'y nasa Ama, at kayo nama'y nasa akin at ako'y nasa inyo.

“Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad sa mga ito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ako'y lubusang magpapakilala sa kanya.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

B: Pinupuri Ka naming Panginoong Hesukristo.

N: Magsiupo ang lahat.

(Limang minutong katahimikan para sa pagninilay)

N: Magsiluhod ang lahat.

PAHAYAG 11:17-18, 12:10b-12a

N: Ang mga banal ay nakamit ang kanilang tagumpay laban sa kamatayan sa pamamagitan ng dugo ng Kordero at sa katotohanan na kanilang sinaksihan.

N1: “Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, na siyang kasalukuyan, at ang nakaraan!
Nagpapasalamat kami na ginamit mo ang iyong  walang hanggang kapangyarihan
at nagpasimula ka nang maghari!

N2: Nagngingitngit ang mga bansang di-kumikilala sa iyo, dahil dumating na ang panahon ng iyong poot, ang paghatol sa mga patay, at pagbibigay ng gantimpala sa mga propetang lingkod mo, Sa lahat ng may takot sa iyo, dakila man o hamak. Panahon na upang lipulin Mo ang mga nagpapahirap sa sanlibutan.”

N1: “Dumating na ang pagliligtas ng Diyos! Ipinamalas na niya ang kanyang kapangyarihan bilang Hari! Ipinamalas din ni Mesiyas ang kanyang karapatan!  Sapagkat pinalayas na sa langit  ang umuusig araw at gabi sa mga kapatid natin.

N2: Nagtagumpay ang mga ito laban sa diyablo sa pamamagitan ng dugo ng Kordero, at ng kanilang pagpapatotoo sa katotohanan; Hindi sila nanghihinayang sa kanilang buhay. Kaya't magalak ang kalangitan at lahat ng naninirahan diyan!

B: Papuri sa Ama, at sa Anak at sa Espiritu Santo.
Kapara noon una, ngayon at magpakailanman at magpasawalang hanggan. Amen.

MGA PAGLUHOG

N: Ibinigay sa atin ng Panginoong Hesukristo ang bagong utos, ng Pag-ibig. Dumalangin tayo sa Kanya.  Ating itutugon: 

PANGINOON, PATATAGIN MO ANG IYONG SAMBAYANAN SA PAG-IBIG.

N: Mabuting guro, turuan Mo kaming mahalin Ka sa aming kapwa, at sa paglilingkod sa kanila ay mapaglingkuran Ka. (Tugon)

N: Sa Krus inihingi Mo ng patawad ang Iyong mga taga-usig, bigyan Mo kami ng lakas na mahalin ang aming mga kaaway at ipanalangin ang sa ami’y umuusig. (Tugon)

N: Sa pamamagitan ng misteryo ng Iyong katawan at dugo, palalimin ang aming pag-ibig, tiyaga, at pagtitiwala, palakasin ang mahihina, aliwin ang nalulumbay at bigyan ng pag-asa ang mga malapit ng mamatay. (Tugon)

N: Amang mapagmahal, masunod nawa naming ang atas ng Iyong Anak na mahalin ang aming kapwa at sila ay paglingkuran.  Hinihiling naming ito sa pamamagitan ni Hesukristo na aming Panginoon kasama ng Espiritu Santo ngayon at magpasawalang hanggan.

B: Amen.

(Instrumental Music)

IKAAPAT NA SANGKAPAT

N: Magsiluhod ang lahat.

N: Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan (Juan 13:31-35)

B: Papuri sa Iyo, Panginoon.

N: Pagkaalis ni Judas ay sinabi ni Jesus, “Ngayo'y luluwalhatiin na ang Anak ng Tao, at sa pamamagitan niya ay luluwalhatiin ang Diyos.  At kapag niluwalhati na ang Diyos sa pamamagitan ng Anak ng Tao, ang Diyos naman ang luluwalhati sa Anak, at ito'y gagawin niya agad. Mga anak, kaunting panahon na lamang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako, ngunit sinasabi ko sa inyo ngayon ang sinabi ko noon sa mga Judio, ‘Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.’

“Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo ngayon: magmahalan kayo! Kung paano ko kayo minahal, gayundin naman, magmahalan kayo. Kung kayo'y may pagmamahal sa isa't isa, makikilala ng lahat na kayo'y mga alagad ko.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

B: Pinupuri Ka naming Panginoong Hesukristo.

N: Magsiupo ang lahat.

(Limang minutong katahimikan para sa pagninilay)

N: Magsiluhod ang lahat.

SALMO 36:5-11

N: Ang Diyos ang aking kaligtasan, nagtitiwala ako sa Kanya at hindi na matatakot.

N1: Ang wagas na pag-ibig mo, O Panginoon, ay walang hanggan, at ang iyong katapatan ay abot sa kalangitan. Matuwid at matatag ka na tulad ng kabundukan.

N2: Ang matuwid na hatol mo'y sinlalim ng karagatan; ang lahat ng mga tao't mga hayop na nilalang, sa tuwina'y kinukupkop ng mapagpala mong kamay.

N1: O Diyos, ang iyong pag-ibig mahalaga at matatag, ang kalinga'y nadarama sa lilim ng iyong pakpak.

N2: Sa pagkain ay sagana sa sarili mong tahanan; doon sila umiinom sa batis ng kabutihan. Sa iyo rin nagmumula silang lahat na may buhay, ang liwanag na taglay mo ang sa amin ay umaakay.

N1: Patuloy mong kalingain ang sa iyo'y umiibig, patuloy mong pagpalain ang may buhay na matuwid. Ang palalo'y huwag tulutan na ako ay salakayin, o ang mga masasamang gusto akong palayasin.

B: Papuri sa Ama, at sa Anak at sa Espiritu Santo.
Kapara noon una, ngayon at magpakailanman at magpasawalang hanggan. Amen.

N:  Magsiluhod ang lahat.

MGA PAGLUHOG

N: Noong huling hapunan, nang gabing ipagkanulo Siya, ipinagkatiwala ng ating Manunubos sa Kanyang Simbahan ang alaala ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, upang ipagdiwang magpakailanman.  Ating Siyang sambahin at sabihin:

PABANALIN MO ANG IYONG SAMBAYANAN, NA INILIGTAS NG IYONG DUGO.

N: Manunubos ng sanlibutan, bigyan Mo kami ng higit na pakikibahagi sa Iyong pagpapakasakit, upang kami’y makibahagi sa Kadakilaan ng Iyong muling pagkabuhay. (Tugon)

N: Nawa ang Iyong ina, inaliw ng mga nagdurusa, ay ipagtanggol kami at damayan naming ang bawa’t isa tulad ng pagmamahal Mo sa amin. (Tugon)

N: Sa kanilang mga pagsubok itulot Mong ang mga mananampalataya ay makibahagi sa Iyong pagpapakasakit at maipahayag sa kanilang buhay ang Iyong mapagligtas na kapangyarihan. (Tugon)

N: Nagpakababa Ka at naging masunurin hanggang sa pagtanggap sa kamatayan, kamatayan sa krus, ipagkaloob sa lahat ng naglilingkod sa Iyo ang biyaya ng kasunuran at matiyagang pagtitiis. (Tugon)

N:  Makahati nawa ang lahat ng mga namatay sa Iyong kadakilaan at sa wakas, Ikaw rin ay kanilang makapiling. (Tugon)

N: Sabay-sabay po nating awitin ang AMA NAMIN

N: Manalangin Tayo. 

O Diyos, iniwan Mo sa kahanga-hangang Sakramentong ito ang alaala ng Iyong hirap at sakit: sambahin nawa naming ang banal na misteryo ng Iyong katawan at dugo at upang lagi naming madama ang mga bunga ng Iyong pagtubos sa amin. Ikaw na nabubuhay at naghahari ngayon at magpasawalang hanggan. 

B: Amen.

N: Pagpalain nawa tayo ng Panginoon, iligtas tayo mula sa lahat ng kasamaan at akayin tayo sa buhay na walang hanggan.

B: Amen.