ANG DAAN NG KRUS: praying during times of COVID-19 crisis
Ngayong panahon ng Kuwaresma, nagdadasal tayo ng Daan ng Krus kung saan ginugunita natin ang hirap at sakripisyo ni Hesus at ang kanyang tagumpay sa krus.
Katulad ng nararanasan natin ngayon ang Krisis ng COVID-19, nawa’y maghatid ang panalangin natin ng pag-asa sa bawat isa sa atin.
Sama-sama po tayong manalangin ng Daan ng Krus na may intension buksan ang atin puso na patuloy na umaasa sa gitna ng krisis na ating hinaharap ngayon.
Sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo.
Amen.
BUKSAN MO PANGINOON KO, ANG AKING MGA LABI.
At ang aking bibig ang siyang magpupuri sa iyo.
O DIYOS, LUMAPIT KA’T AKO’Y TULUNGAN MO.
O Panginoon, magmadali ka sa pagsaklolo sa akin.
LUWALHATI SA DIYOS AMA, DIYOS ANAK, AT SA DIYOS ESPIRITU SANTO.
Kapara nang sa unang-una, ngayon at magpakailan man, magpasawalang hanggan. Amen.
Panginoong Hesukristo, habang kami’y nagtitipon dito ngayon upang pagnilayan ang iyong Misteryong Pampaskuwa, pagkalooban mo kaming lahat ng biyaya na kasuklaman ang kasalanan tulad ng iyong ginawa, at palakasin mo ang aming pananampalataya at bigyan ng pag-asa sa panahon ng krisis. Sa gayon, kami ay maaring makibahagi hindi lamang sa iyong paghihirap, kundi maging sa iyo ring Muling Pagkabuhay. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen.
Unang Istasyon: Ang Huling Hapunan
Sinasamba ka namin at pinasasalamatan, Panginoong Hesukristo.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus at muling pagkabuhay, iniligtas mo ang sandaigdigan.
Pagninilay:
Dahil sa kumakalat na virus ngayon, nagpatupad ng malawakang “community quarantine”ang pamahalaan upang maiwasan ang lubusang paglobo ng mga dinadapuan ng sakit na ito. Kabilang sa mga epekto nito ay ang pansamantalang hindi pagtitipon ng maraming tao, kabilang na ang paggunita sa banal na Eukaristiya. Hindi ito ang panahon para panghinaan tayo ng loob, bagkus tayo ay lubusang lumapit sa diyos upang palakasin ang ating espiritwal na pananampalataya at manabik na muli nating matanggap ang pisikal na katawan at dugo ni kristo sa pagtatapos ang krisis na ito.
Panalangin:
Panginoon hesus, sa pamamagitan ng panahong ito, patatagin mo kaming lahat na sumasampalataya at palakasin mo rin ang aming pananalig. Itinataas namin ngayon ang aming mga obispo at mga pari na sa gitna ng takot at pangambang dulot ng COVID-19, nawa’y puspusin mo sila ng iyong espiritu upang patuloy nilang mapaglingkuran ang iyong simbahan at maging ehemplo ng katatagan para amin. Amen
Ikalawang Istasyon: Ang Pagtangis ng Panginoon sa Getsemani
Sinasamba ka namin at pinasasalamatan, Panginoong Hesukristo.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus at muling pagkabuhay, iniligtas mo ang sandaigdigan.
Pagninilay:
Sa pagsisimula ng taong ito, nag-umpisang kumalat sa iba’t-ibang bansa ang panibanong sakit na hindi pa natutuklasan ang lunas. Ito ay nagdulot ng takot sa damdamin ng bawat isa sa atin dahil sa “takot sa hindi natin alam.” Nagdulot ito ng iba’t-ibang klaseng “panic”sa bawat isa sa atin. Karamihan sa atin ay naging makasarili at nakalimutang mayroong tayong “kapwa”na nangangailangan rin. Nawa, katulad ni Hesus, ipagkatiwala natin sa Diyos ang ating mga takot at manalig sa kanyang mga plano para sa atin.
Panalangin:
Panginoon Hesus, sa panahong napupuno kami ng takot ngayon, ipagkaloob mo sa amin ang iyong Espiritu upang mapukaw ang aming damdamin at matanggal ang takot sa aming mga puso. Katulad ni Hesus, turuan mo kaming magtiwala sa mga plano Mo. Amen
Ikatlong Istasyon: Si Hesus ay Hinatulang Mamatay
Sinasamba ka namin at pinasasalamatan, Panginoong Hesukristo.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus at muling pagkabuhay, iniligtas mo ang sandaigdigan.
Pagninilay:
“Ipako sa Krus”. Yan ang sigaw ng mga taga Jerusalem na narinig ni Hesus. Sa mga balita ngayon tungkol sa COVID-19, ang mga taong nagkaroon nito ay malamang na kamatayan rin agad ang nasa isip nila. Ang karamdamang ito nagdulot sa atin ng matinding takot sa kamatayan. Si Hesus din ay nakaramdam ng takot sa kamatayan, ngunit ipinaubaya niya sa Diyos Ama ang kanyang takot at nanatiling nanalig dahil alam niyang nariyan ang Diyos na handing yumakap sa atin hanggang makapiling na natin Siya sa kanyang kaharian.
Panalangin:
Panginoon hesus, ipinapanalangin namin ang lahat ng mga may sakit at namatay na dulot ng COVID-19. Nawa ay patatagin mo sila at kanilang pamilya sa gitna ng kanilang pinagdaraanan at tanggapin mo ang mga kapatid naming namayapa daihl sa COVID-19 sa iyong kaharian at patuloy na patnubayan ang kanilang mga kapamilyang naiwan dito sa lupa. Amen
Ika-Apat Na Istasyon: Ang Paghampas at Pagpuputong ng Koronang Tinik
Sinasamba ka namin at pinasasalamatan, Panginoong Hesukristo.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus at muling pagkabuhay, iniligtas mo ang sandaigdigan.
Pagninilay:
Matinding paghihirap ang nararanasan ng lipunan natin ngayon lalonglalo na ang mga nadapuan ng sakit na COVID-19 ngayon. Bukod sa pisikal na karamdaman na kanilang idinadaing, nariyan din ang emosyonal at espiritwal na karamdaman dahil kailangan nilang bumukod sa lahat ng tao upang maiwasan ang pagkakahawa. Ang kanilang paghihirap ay naranasan rin Hesus noong siya ay hinagupit at tuluyang iniwanan ng kaniyang mga alagad. Nawa ay mabigyan natin sila ng sapat na pagkalinga at huwag natin pandirihan sa panahong mas kailangan nila ng suporta.
Panalangin:
Panginoon hesus, ipinapanalangin namin ang mga may sakit na nakakaranas ng paghihirap; pisikal, emosyonal at espiritwal. Nawa ay patatagin mo ang kanilang kalooban upang magkaroon sila ng lakas na harapin ang pagsubok sa buhay na dulot ng covi-19. Gayundin, nawa ay gawin mo kaming mga instrumento ng pag-asa, suporta at kagalingan para sa kanila. Amen
Ika-Limang Istasyon: Pinasan ni Hesus ang Kanyang krus.
Sinasamba ka namin at pinasasalamatan, Panginoong Hesukristo.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus at muling pagkabuhay, iniligtas mo ang sandaigdigan.
Pagninilay
Si Hesus matapos yurakan at alipustain ng mga sundalo at mga matatanda ng bayan ay pinilit na ipapasan sa kanya ang mabigat ng krus. Krus na simbulo ng kahihiyan at kamatayan. Krus na tayo sana ang pumapasan, ngunit tiniis N’yang lahat ito upang maipakita sa lahat ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa tanan. Sa nararanasan nating pandemyang na dulot ng COVID-19 alalahanin sana natin ang ating mga kapatid natin na lubos na nangangailangan at nahihirapan dulot ng pandemyang ito. Nawa ay mas maging bukas palad tayong tumulong sa kanila sa kanilang mga pangangailangan.
Panalangin
Panginoong Hesus, dama mo ang bigat at hirap ng krus na iyong pinasan para sa amin, kami man ay mayroon ding krus na dinadala lalo na sa panahong ito kung saan nababalot kami ng takot at pangamba, ipahintulot Mo na maging mas matatag kaming humarap sa krisis na ito at patuloy na umasa sa mapagmahal Mong pagkalinga upang mapagtagumpayan namin ang pandemyang ito. Amen.
Ika-Anim Na Istasyon: Ang Pagkadapa ni Hesus
Sinasamba ka namin at pinasasalamatan, Panginoong Hesukristo.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus at muling pagkabuhay, iniligtas mo ang sandaigdigan.
Pagninilay
Si Hesus ay napasubasob sa lupa dahil sa bigat ng krus na kanyang dinala subalit pilit pa rin niya itong binuhat para sa atin. Tayo man ay nadarapa sa ating nararanasang sakit at hirap sa ating pang araw-araw na buhay lalo na ngayong nakararanas tayo ng pandemyang COVID-19. Nawa, ang mga kapatid nating lubos na naapektuhan ng pandemyang ito ay makabangon agad sa kanilang nararanasang sakit at hirap.
Panalangin
Panginoong Hesus, ipahintulot Mo na sa kabila ng mga hirap at pagsubok na aming nararanasan sa buhay huwag din sana naming makalimutan ang aming mga kapatid na nangangailangan, lalolng lalo na ang mga kapatid naming tinamaan ng sakit na ito. Tulungan mo po kaming tumayo sa pagkakadapa namin dahil sa bigat ng aming mga krus. Amen.
Ika-Pitong Istasyon: Si Hesus ay Tinulungan ni Simon Cerenio
Sinasamba ka namin at pinasasalamatan, Panginoong Hesukristo.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus at muling pagkabuhay, iniligtas mo ang sandaigdigan.
Pagninilay
Si Hesus ay nakakita ng kapahingahan ng pinilit ng mga sundalo ang isang mamamayang taga Cirene na bumuhat ng Krus, bagamat labag ito sa kalooban nya wala syang magawa kundi sumunod dahil ito ang pilit na ipinagagawa sa kanya. Alalahanin nawa natin ang mga taong pilit na isinusuong ang kanilang buhay upang tumugon sa tawag ng kanilang mga tungkulin, ang mga front liners na araw araw na itinataya ang kanilang mga sarili upang humananap ng solusyon sa nararanasan pandemyang dulot ng COVID-19.
Panalangin
Panginoong Hesus, buong puso mong tinanggap at binuhat ang Krus na sana’y kami ang Nagdala. Ikaw na walang sala ay umako sa kasalanan ng tanan. Ipahintulot Mong kami rin ay maging tulad Mo sa pagtupad ng aming mumunting tungkulin sa aming pamayanan lalong lalo na ang mga taong inatasang mag-aral at magsaliksik ng lunas sa kumakalat na pandemyang ito ganun din ang mga taong itinataya ang kanilang mga buhay upang labanan, supilin at mangangalaga ng mga naapektuhan ng pandemyang ito. Amen.
Ika-Walong Istasyon: Si Hesus at ang mga Babaeng Taga-Jerusalem
Sinasamba ka namin at pinasasalamatan, Panginoong Hesukristo.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus at muling pagkabuhay, iniligtas mo ang sandaigdigan.
Pagninilay:
Sa panahon ngayon, mahirap ang pinagdaraanan ng buong mundo dahil sa krisis ng COVID-19, subalit buo ang ating pag-asa at pananalig na hindi tayo pababayaan ng Diyos. Sinabi Niya, “ang tangisan ninyo ay ang inyong sarili at ang inyong mga anak”…. Marahil kung tayo ay tapat na magsisisi at buong pusong magbabalik-loob, ipagkakaloob Niya ang sagot ating dasal na masugpo na ang salot na ito na kumikitil ng buhay ng napakaraming tao sa mundo.
Panalangin:
Panginoon Hesus, kaawaan mo po ang aming bayan at ang buong mundo. Patawarin mo po kami sa aming mga nagawang kasalanan na nagdulot ng pagdurusa ng aming kapwa. Kaawaan mo po at pagalingin ang mga maysakit ng COVID-19, at basbasan mo po ang sa kanila’y nangangalaga. Amen.
Ika-Siyam Na Istasyon: Si Hesus ay Hinubaran at Ipinako sa Krus
Sinasamba ka namin at pinasasalamatan, Panginoong Hesukristo.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus at muling pagkabuhay, iniligtas mo ang sandaigdigan.
Pagninilay:
Opo, sa panahon ngayon tayong lahat, bata’t matanda, abalang abala sa iba’t ibang bagay, trabaho, gadgets, barkada, pasyal at bisyo; naisantabi natin ang pagsisimba, pagbabasa ng bibliya, pagsama sa gawaing pangsimbahan at gawaing espiritual. Si Hesus ay naging busy rin sa pagpapakilala ng kaharian ng Diyos, busy sa pagpapagaling sa maysakit, pagtulong sa nangangailangan pero ang naging kapalit ng lahat ng iyon ay kahihiyan at pagkapako sa krus. At habang nasa krus ay nilibak, pinagdudahan. “Kung Siya nga ang Mesiyas, ang hinirang ng Diyos”. Hindi umimik dahil sa pag-ibig sa ating mga makasalanan. Ngayon sa gitna ng salot na COVID-19 kailangan natin ang tulong Niya, magdadalawang isip ka pa ba?
Panalangin:
Panginoon Hesus, patawarin mo kami sa di namin pagkilala sa iyong kabutihan, awa at pag-ibig. Alisin mo po ang pagdududa sa aming puso at isip sa kapangyarihan at pagmamahal mo. Tulungan mo pong magawa namin ang kalooban mo. Basbasan mo po ang lahat ng mga taong nagtutulung-tulong upang ang COVID-19 ay tuluyang masugpo at matapos ang hirap at pagdurusa ng buong mundo. Amen.
Ika-Sampung Istasyon: Ang Pinagpalang Magnanakaw
Sinasamba ka namin at pinasasalamatan, Panginoong Hesukristo.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus at muling pagkabuhay, iniligtas mo ang sandaigdigan.
Pagninilay:
“Hindi ka ba natatakot sa Diyos?” Ito ang sinabi ng nagsisising magnanakaw. Marahil sa nangyayari ngayon, maraming maysakit, marami ring namamatay, marami rin sana ang natatakot na sa Diyos at nagnanais nang magbalik loob o kaya’y tuluyan nang magsisisi at magbalik loob sa Diyos. Nawa sa mga panahong ito, ang takot sa atin ay maibsan sa pangako ni hesus na hindi niya tayo pababayaan. Lagi nawa tayong manatili at manalig sa kanyang pangakong paraiso. Hesus nawa’y hindi magtagal ay maranasan muli namin ang sulyap ng iyong paraiso dito sa lupa.
Panalangin:
Panginoon hesus, nagsisisi ang magnanakaw at buong puso mong pinatawad. Tulungan mo po kaming maging matatag ang paniniwala sa iyo upang makaakay at muling makapagpabalik ng mga kapatid naming nalayo sa iyo. Basbasan mo po kami upang kami ay makatulad ng nagsisising magnanakaw at nawa mas lalong tumibay ang aming pananalig sa buhay na walang hanggan sa piling mo at patuloy na mamuhay gabay ang iyong pangakong paraiso. Amen.
Ikalabing-Isang Istasyon: Ang Mahal na Ina at Mahal na Alagad sa Paanan ng Krus
Sinasamba ka namin at pinasasalamatan, Panginoong Hesukristo.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus at muling pagkabuhay, iniligtas mo ang sandaigdigan.
Pagninilay:
Walang makapapantay sa pagmamahal ng isang Ina. Gagawin niya ang lahat ng sakripisyo para sa kanyang anak. Sa dinanas na pagdurusa ni Hesus, nandun ang kanyang Inang tahimik na tumatangis at sumusubaybay sa Kanya. Alam ni Maria ang paghihirap na daranasin ni Hesus, at nang si Hesus ay nakapako na sa Krus buong pagmamahal siyang inihabilin ni Hesus sa kanyang alagad at sa paghahabilin mo sa kanya sa iyong alagad, ibinigay mo sa amin Iyong Ina, na dahil dito dama namin ang Iyong pagmamahal at katiwasayan namin sa buhay.
Panalangin:
Panginoon Hesus, maraming salamat sa pagbibigay mo sa amin sa Iyong Ina upang maging Ina namin na laging handang tumulong sa amin sa oras ng pangangailangan lalong-lalo na sa panahong ito na may pandemyang ng COVID-19. Mahal na Inang Maria, ilapit mo kami sa iyong anak at dalhin ang aming mga panalangin sa kanya. Amen.
Ikalabindalawang Istasyon: Si Hesus ay Namatay
Sinasamba ka namin at pinasasalamatan, Panginoong Hesukristo.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus at muling pagkabuhay, iniligtas mo ang sandaigdigan.
Pagninilay:
“Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” ito marahil ang masasabi natin sa bingit ng kamatayan. Ang mga naging biktima ng COVID-19 ay nakadama ng matinding paghihirap dahil namatay silang mag-isa lamang, walang presensya ng kapamilya o kaibigan. Ngunit, lagi natin isipin na ang kamatayan ay hindi ang ating katapusan, ito ay pasimula upang ating makasama ang Diyos. Tandaan natin na may dahilan ang lahat ng kamatayan at mayroong itong patutunguhan: sa piling ng pag-ibig ng Diyos.
Panalangin:
Panginoon, marami ngayon ang nagdududa, nagagalit, nawawalan ng pag-asa dulot ng pandemyang ito. Ipinapanalagin namin ang mga naghihirap at namatay sa sakit na ito. Patatagin mo sila at lagi mong ipadama sa kanila ang yong pag-ibig at pagkalinga bilang isang ama. At sa bingit ng kamatayan man, sana ipaalala mo sa amin na ikaw ang buhay na tumalo sa kamatayan. Amen.
Ikalabingtatlong Istasyon: Si Hesus ay Nilibing
Sinasamba ka namin at pinasasalamatan, Panginoong Hesukristo.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus at muling pagkabuhay, iniligtas mo ang sandaigdigan.
Pagninilay:
Katulad ni hesus, noong siya ay namatay ay may mga naiwanan siyang mga alagad at kapamilyang nagmamahal sa kanya. Ang mga kaibigan at kapamilya ng mga biktima ng sakit na ito ay kailangan din nating damayan sa panahong ito. Marami rin sa atin ngayon ang naulila at nangangailangan din ng pagkalinga. Nawa’y sa ating mga salita at panalangin, maipadama natin na hindi sila nag-iisa sa kanilang pagdadalamhati.
Panalangin:
Panginoon hesus, sa krisis na aming hinaharap ngayon, gawin mo kaming alagad ng pagkalinga at pagaaruga. Nawa’y gawin mo kaming instrumento para maipadama na ikaw’y nakikipighati sa mga pamilyang iniwan ng kanilang mga minamahal. Pawiin mo ang mga luha ng mga naulila at bigyan mo sila ng lakas ng loob na harapin ulit ang buhay sa kanila ng kanilang pagdadalamhati. Amen
Ikalabing-Apat na Istasyon: Si Hesus ay Muling Nabuhay
Sinasamba ka namin at pinasasalamatan, Panginoong Hesukristo.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus at muling pagkabuhay, iniligtas mo ang sandaigdigan.
Pagninilay:
Si Hesus ay muling nabuhay pagkatapos ng tatlong araw. Hindi sa kamatayan natatapos ang ating buhay. Tayo ay patuloy na umaasa na muling pagdating ni Hesus, tayong lahat ay magkakasama-sama sa piling ng mapagmahal nating Diyos. Ito ang ating tunay na hantungan; at ang pangako at pag-asang ito ay hindi dapat mawala sa atin.
Panalangin:
Diyos na mapagmahal, hinihiling namin na sa pamamagitan ng iyong walang hanggang awa at pag-ibig ay tulungan mo kaming masolusyunan ang lahat ng krisis na kinahaharap namin. Alam naming matatapos namin ito dahil kasama ka namin. Pukawin mo ang aming mga puso at isipan at gawin mo kaming iyong mga kamay at paa upang kumilos na naayon sa iyong kalooban. Naniniwala kami, ang buhay di magtatapos sa dalamhati ngunit sa ngiti at sayang dulot ng iyong pagtatagumpay sa krus. Amen.
PANGWAKAS NA PANALANGIN
Ama naming banal, nagpapasalamat kami sa iyong maawaing Anak na si Hesukristo nang dahil sa kanya nalaman naming ang tunay na kahulugan ng buhay.
Sa kanyang mga salita ay nabighani kami sa iyo at Nakita namin ang mapang-akit mong puso.
Sa pagtatapos ng aming pagdarasal at pakikiisa sa paghihirap, pagkamatay at pagkabuhay ng aming Panginoon Hesukristo, kami nawa ay magising sa katutuhan ng buhay at panibaguhin mo kami na maging tunay kaming instrument ng buhay na Diyos sa aming kapwa.
Sana ay buhayin mo kami katulad ni Hesus kung dumaan kami sa matinding pagsubok sa buhay. Patatagin mo kami sa lahat ng unos ng aming pamilya at maging daluyan rin kami ng iyong awa tulad ni Maria, Ina ng Awa. Hinihiling naming ito sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Amen.
Ama namin,
Aba Ginoong Maria
Luwalhati…
