Skip to main content

MARIA, INA KO, AKO RIN ANAK MO

| Fr. Patrick Santianez, SX

Ipinagdiriwang natin ngayon ang Dakilang Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo ng La Naval de Manila dito sa Diyosesis ng Novaliches at sa Diyosesis ng Cubao, dahil ang Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo ng La Naval ang Patronesa ng Lungsod Quezon.

Tatlong punto ang maaari nating pagnilayan sa dakilang kapistahang ito:

Ang Santo Rosaryo ay isang sandata.
Sa tulong ng Mahal na Birhen ng La Naval, napagtagumpayan ng mga sundalong Español, mga relihiyoso, at ng ating mga kababayang Pilipino ang mga Olandes na nagtangkang sakupin tayo. Dahil sa tulong ng Mahal na Birhen Maria ng Rosaryo ng La Naval, tayo ay nagtagumpay.
Sa ating buhay, tulad ni Maria sa ating Ebanghelyo, tayo rin ay nagugulumihanan sa mga nangyayari sa ating buhay, sa ating pamilya, at sa ating bayan. Magdasal tayo ng Santo Rosaryo, at tiyak akong magtatagumpay din tayo. Si Maria ang pinakamadali, pinakatiyak, at pinakamaikling daan patungo kay Hesus.

Ang Rosaryo ay isang mapagnilay na panalangin.
Sa pagdarasal ng Rosaryo, pinagninilayan natin ang buhay ni Hesus. Kapag tayo ay nagdarasal ng Rosaryo, para na rin tayong nagbabasa ng Ebanghelyo. Dahil ang Rosaryo ay isang mapagnilay na panalangin, kailangan nating manalangin nang may pagninilay at hindi nagmamadali. Kung puro salita lamang ang ating binibigkas at hindi natin pinagninilayan si Kristo habang nagdarasal ng Rosaryo, ito ay parang katawan na walang kaluluwa. Hindi minamadali ang pagdarasal ng Rosaryo. Dapat ninanamnam ang bawat misteryo.

Halimbawa:
Unang Misteryo ng Ligaya – Ang Pagpapahayag ng Anghel Gabriel kay Maria. Pagnilayan mo ang pagdalaw ng Anghel Gabriel at kung ano ang naging tugon ni Maria. Pagnilayan mo rin ang mga pagkakataon na nakatanggap ka ng balita — mabuti man o masama. Katulad ka ba ni Maria na kahit hindi lubos na nauunawaan, bagaman nagugulumihanan, sa huli ay nagsasabing: “Mangyari nawa ang kalooban ng Diyos.”

Ikalawang Misteryo ng Ligaya – Ang Pagdalaw ni Maria sa kaniyang pinsang si Elisabet. Pagnilayan mo ang mga pagkakataon na ikaw ay nagdala ng mabuting balita sa iyong kapwa. Paano mo ito ibinahagi? At paano ito tinanggap ng iyong kapwa? Naging mabuting balita ba talaga o nauwi lamang sa tsismisan?

Ang Rosaryo ay panalanging dapat nagmumula sa puso. Hindi ito karera para matapos agad, at hindi rin ito paligsahan upang maabot ang huling panalangin.

Ang layunin ng Rosaryo ay maging katulad ni Hesus at ni Maria.
Ang buhay ni Hesus at ni Maria ay tulad ng mga misteryo ng Rosaryo — may ligaya, may dalamhati, may liwanag, at may kaluwalhatian. Ganyan din ang ating buhay. Tuwing tayo ay nagdarasal ng Rosaryo, tayo ay nagiging kaibigan ni Hesus at ni Maria. Unti-unti tayong nagiging katulad nila — sa paraan ng kanilang pamumuhay, pag-iisip, pagkilos, at paggawa.

Ngayong Dakilang Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo ng La Naval, lumapit tayo kay Maria, tulad ng paglapit ng ating mga kababayan noong sinubukan tayong sakupin ng mga Olandes. Lumapit tayo kay Maria sapagkat siya ang pinakatiyak at pinakamaikling daan patungo kay Hesus.

Maria, Ina ko, ako rin ay anak mo.
Kay Kristo na kuya ko, akayin mo ako.
Kay Kristo na kuya ko, akayin mo ang aking pamilya.
Kay Kristo na kuya ko, akayin mo ang aming bayan, ang aming bansa.
Kay Kristo na kuya ko, akayin mo ang aking mga kahilingan.
Amen.