Skip to main content

Langit ang naghihintay sa atin

| Jose M. Manga Jr.

Ano ang pinakainaasam-asam mo sa buhay? Ginagawa mo ba ang lahat upang makamit ito? Hinahangad mo rin bang makarating sa langit pagkatapos ng buhay mo sa mundo? Kung oo, ginagawa mo rin kaya ang lahat upang makamtan ito?

Ngayon ay Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit ng Mahal na Birheng Maria. Sa ating pananampalataya, si Maria, pagkatapos ng kanyang buhay sa daigdig ay iniakyat, katawan at kaluluwa, sa langit. Ito ay isang mahalagang katotohanan o dogma na idineklara ni Venerable Papa Pio XII noong Nobyembre 1, 1950. Ano kahalagahan nito para sa atin?

Ito ay hudyat ng pag-asa para sa atin, na katulad ni Maria, tayo rin ay may pag-asang makapiling ang Diyos sa Kanyang kaluwalhatian kailanman. Kung paanong si Hesus ay muling nabuhay, at si Maria ay iniakyat, katawan at kaluluwa, sa langit, tayo rin ay makararanas ng muling pagkabuhay kung tutularan natin ang mga halimbawa nina Hesus at Maria. Sa ating Ebanghelyo, makikita natin kung paanong si Maria ay naging mapalad at kalugud-lugod sa Diyos.

Buong-buo ang pagtitiwala ni Maria sa Diyos. Sa pagtanggap niya ng dakilang misyon na maging ina ni Hesus, isinuko niya ang kanyang sariling kalooban, masunod lamang ang kalooban ng Diyos.

Pagkarinig ni Maria sa anghel na ang kanyang pinsang si Elisabet ay nagdadalang-tao, kaagad siya’y nagpunta upang alagaan ito. Modelo si Maria ng paglilingkod, hindi siya nagdalawang-isip na tumulong. Batid niya ang pangangailangan ng kanyang kapwa, at bukas-palad niyang ibinigay ang kanyang sarili para sa paglilingkod.

Modelo ng tunay na pagpapakumbaba si Maria. Bagaman siya’y pinagpala ng Diyos, buong kababaan niyang tinanggap sa sarili niya na siya’y abang alipin ng Diyos. Hindi siya pinagpala dahil sa kanyang sariling kabutihan, kundi dahil sadyang mabuti at mapagmahal ang Diyos. Batid ni Maria na ang lahat ay nagmumula sa awa at habag ng Niya. Lubos ang kanyang pagpupuri at pasasalamat sa Diyos dahil Siya’y tapat sa Kanyang pangako.

Kapatid, katulad ni Maria, tayo nawa’y maging tapat din sa kalooban ng Diyos. Paano natin mababatid ang kalooban ng Diyos? Isang paraan ay ang laging pananalangin at pagninilay sa Kanyang mga Salita. Katulad ni Maria, lagi tayong magdasal at magbulay-bulay sa Salita ng Diyos.

PANALANGIN

Panginoon, mahirap tahakin ang landas patungo sa kabanalan. Mahirap pasanin ang Iyong krus. Ngunit Panginoon, kung ito lamang ang paraan upang magkamit kami ng buhay na walang hanggan, tulungan ko kami. Ituro mo sa aming ang mga dapat gawin, upang kami’y hindi maligaw sa kamalian at kasalanan. Huwag nawa kaming manawa na sumunod sa Iyo. Palakasin mo ang aming espiritu sa tuwing kami ay napapagod. Bigyan mo kami ng malinaw na isipan nang matanto namin ang tama at mali. Ipagkaloob mo sa aming ang Banal na Espiritu na Siyang magpapaalab sa aming mga puso na hangaring makapiling ka sa Iyong kaluwalhatian sa langit. Amen.