Skip to main content

Pandaigdigang Araw ng Misyon 2022

| Pope Francis

Mensahe ng Banal na Santo Papa Francisco para sa Pandaigdigang Araw ng Misyon 2022

“Kayo ay magiging aking mga saksi” (Mga Gawa 1:8)

Minamahal kong mga Kapatid,

Ang mga salitang ito ay sinabi ng muling nabuhay na si Hesus sa kanyang mga disipulo bago siya Umakyat sa langit, gaya ng natutuhan natin mula sa Mga Gawa ng mga Apostol: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig. (1:8)” Ito rin ang tema ng 2022 World Mission Day na, gaya ng dati, ay nagpapaalala sa atin na ang Simbahan ay likas na misyonero.

Sa taong ito, ang Pandaigdigang Araw ng Misyon ay nag-aalok sa atin ng pagkakataon na gunitain ang ilang mahahalagang kaganapan sa buhay at misyon ng Simbahan: ang ikaapat na sentenaryo ng pagkakatatag ng Congregation de Propaganda Fide, ngayon ay ang Congregation for the Evangelization of Peoples, at ang ikalawang sentenaryo ng Society of the Propagation of the Faith. Isang daang taon na ang nakalilipas, ang huli, kasama ang Society of the Holy Childhood at ang Society of Saint Peter the Apostle, ay pinagkalooban ng titulong "Pontifical".

Pagnilayan natin ang tatlong mahahalagang parirala na pinagsasama-sama ang tatlong pundasyon ng buhay at misyon ng bawat disipulo: "Kayo ay magiging aking mga saksi", "hanggang sa dulo ng mundo" at "tatanggap kayo ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu".

1. "Kayo ay magiging aking mga saksi" – Ang tawag ng bawat Kristiyano na magpatotoo kay Kristo

Ito ang pangunahing punto, ang puso ng turo ni Hesus sa mga alagad, dahil sa pagsusugo sa kanila sa mundo. Ang mga disipulo ay dapat maging saksi ni Hesus, salamat sa biyaya ng Banal na Espiritu na kanilang tatanggapin. Saan man sila magpunta at saanmang lugar sila matatagpuan. Si Kristo ang unang isinugo, bilang isang "misyonero" ng Ama (cf. Jn 20:21), at dahil dito, siya ang "tapat na saksi" ng Ama (cf. Rev 1:5). Sa katulad na paraan, ang bawat Kristiyano ay tinatawag na maging isang misyonero at saksi kay Kristo. At ang Simbahan, ang komunidad ng mga disipulo ni Kristo, ay walang ibang misyon kundi ang ipalaganap ang Ebanghelyo sa buong mundo sa pamamagitan ng pagpapatotoo kay Kristo. Ang ipalaganap ang Ebanghelyo ay ang mismong pagkakakilanlan ng Simbahan.

Ang mas malalim na pagtingin sa mga salitang, "Kayo ay magiging aking mga saksi", ay makapagbibigay linaw sa ilang napapanahong aspeto ng misyon na ipinagkatiwala ni Kristo sa mga disipulo. Ang pangmaramihang anyo ng pandiwa ay binibigyang-diin ang pagiging komunitarian at eklesyal ng bokasyong misyonero ng mga disipulo. Ang bawat binyagang tao ay tinawag sa misyon, sa Simbahan at sa utos ng Simbahan: dahil dito, ang misyon ay isinasagawa nang sama-sama, hindi indibidwal, sa pakikipag-isa sa eklesyal na komunidad at hindi sa sariling inisyatibo. Kahit na sa mga kaso kung saan ang isang indibidwal sa ilang partikular na sitwasyon ay nagsasagawa ng misyon ng pag-eebanghelyo nang mag-isa, dapat pa rin niyang gawin ito palagi sa pakikipag-isa sa Simbahan na nag-atas sa kanya. Gaya ng itinuro ni San Pablo VI sa Apostolic Exhortation Evangelii Nuntiandi, isang dokumentong malapit sa aking puso: “Ang ebanghelisasyon ay hindi pang indibidwal at nakahiwalay na kilos; ito ay isang malalim na gawaing pangsimbahan. Kapag ang pinakamalabong mangangaral, katekista o pastor sa pinakamalayong lupain ay nangangaral ng Ebanghelyo, tinitipon ang kanyang maliit na komunidad o nangangasiwa ng isang sakramento, kahit na nag-iisa, nagsasagawa siya ng isang gawaing simbahan, at ang kanyang pagkilos ay tiyak na nakakabit sa aktibidad ng pag-eebanghelyo ng buong Simbahan sa pamamagitan ng mga ugnayang institusyonal, ngunit gayundin sa pamamagitan ng malalim na di-nakikitang mga ugnayan sa kaayusan ng biyaya. Ipinapalagay nito na siya ay kumikilos hindi dahil sa isang misyon na iniuugnay niya sa kanyang sarili o sa pamamagitan ng isang personal na inspirasyon, ngunit kaisa ng misyon ng Simbahan at sa kanyang pangalan” (Blg. 60). Sa katunayan, hindi nagkataon lamang na ipinadala ng Panginoong Hesus ang kanyang mga disipulo sa misyon nang dalawahan; ang patotoo ng mga Kristiyano kay Kristo ay likas na komunitarian. Samakatuwid, sa pagsasagawa ng misyon, ang pagkakaroon ng isang komunidad, anuman ang laki nito, ay napakahalaga.

Bilang karagdagan, ang mga disipulo ay hinihimok na mamuhay ng sa pamamagitan ng susi ng pagiging misyonero: sila ay ipinadala ni Hesus sa mundo hindi lamang upang maging sugo ngunit gayundin at higit sa lahat ang isabuhay ang misyon na ipinagkatiwala sa kanila; hindi lamang upang magpatotoo, higit sa lahat ay maging saksi ni Kristo. Sa nakakaantig na mga salita ni Apostol Pablo “Lagi naming taglay sa aming katawan ang kamatayan ni Jesus, upang sa pamamagitan ng aming katawan ay mahayag ang kanyang buhay” (2 Cor 4:10). Ang diwa ng misyon ay upang magpatotoo kay Kristo, iyon ay, sa kanyang buhay, pagpapakasakit, kamatayan at muling pagkabuhay para sa pag-ibig ng Ama at ng sangkatauhan. Hindi nagkataon na hinanap ng mga apostol ang kapalit ni Judas sa mga taong, tulad ng kanilang mga sarili, ay naging mga saksi ng muling pagkabuhay ng Panginoon (cf. Acts 1:21). Si Kristo, na tunay na muling nabuhay mula sa mga patay, ay ang siyang dapat nating patotohanan at ibahagi ang kanyang buhay sa iba. Ang mga misyonero ni Kristo ay hindi ipinadala upang makipag-usap sa kanilang sarili, upang ipakita ang kanilang mapanghikayat na mga katangian at kakayahan o ang kanilang mga kasanayan sa pamamahala. Sa halip, isang mataas na karangalan ang iharap si Kristo sa salita at sa gawa, na ipinangangaral sa bawa't isa ang Mabuting Balita ng kaniyang kaligtasan, gaya ng ginawa ng mga unang apostol, na may kagalakan at katapangan.

Sa huling pagsusuri, kung gayon, ang tunay na saksi ay ang "martir" ang nag-alay ng kanyang buhay para kay Kristo, sinusuklian ang regalo na kanyang kaloob sa atin sa pamamagitan ng kanyang sarili. “Ang pangunahing dahilan ng pag-eebanghelyo ay ang pag-ibig ni Hesus na ating natanggap, ang karanasan ng kaligtasan na humihimok sa atin sa higit na pag-ibig sa kanya” (Evangelii Gaudium, 264).

Sa wakas, pagdating sa Kristiyanong pagsaksi, ang obserbasyon ni San Pablo VI ay nananatiling wasto: "Ang makabagong tao ay mas kusang nakikinig sa mga saksi kaysa sa mga guro, at kung siya ay nakikinig sa mga guro, ito ay dahil sila ay mga saksi” (Evangelii Nuntiandi, 41). Dahil dito ang patotoo ng isang tunay na “buhay”na pagiging Kristiyano ay mahalaga para sa paghahatid ng pananampalataya. Sa kabilang banda, ang gawaing ipahayag si Kristo sa pamamagitan ng gawa at salita ay parehas na kailangan at mahalaga. Sa katunayan, sinabi ni Paul VI: “Ang pangangaral, ang berbal na pagpapahayag ng isang mensahe, ay talagang kailangang-kailangan. Ang salita ay nananatiling may kaugnayan, lalo na kapag ito ang may hawak ng kapangyarihan ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit ang axiom ni San Pablo, "Ang pananampalataya ay nagmumula sa narinig" (Rom 10:17), ay nananatili rin ang kaugnayan nito: ito ay ang salita na narinig na humahantong sa paniniwala" (ibid., 42).

Sa ebanghelisasyon, kung gayon, ang halimbawa ng buhay Kristiyano at ang pagpapahayag ni Kristo ay hindi mapaghihiwalay. Ang isa ay nasa serbisyo ng isa. Sila ang dalawang baga kung saan dapat huminga ang alinmang komunidad, kung ito ay magiging misyonero. Ang ganitong uri ng kumpleto, pare-pareho at masayang pagsaksi kay Kristo ay tiyak na magiging puwersa ng pang-akit din para sa paglago ng Simbahan sa ikatlong milenyo. Hinihimok ko ang lahat na muling magkaroon ng lakas ng loob, katapatan at parrhesía ng mga unang Kristiyano, upang magpatotoo kay Kristo sa salita at gawa sa bawat larangan ng buhay.

2. "Hanggang sa dulo ng mundo" – Ang pangmatagalang kaugnayan ng unibersal misyon ng ebanghelisasyon

Sa pagsasabi sa mga disipulo na maging kanyang mga saksi, sinabi rin sa kanila ng muling nabuhay na Panginoon kung saan sila ipadadala: sa Jerusalem, sa buong Judea at sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.” (Acts 1:8). Dito ay malinaw na nakikita natin ang unibersal na katangian ng misyon ng mga disipulo. Nakikita rin natin ang "centrifugal" na heograpikal na pagpapalawak, na parang nasa concentric circle, ng misyon, simula sa Jerusalem, na itinuturing ng tradisyong Hudyo na sentro ng mundo, sa Judea at Samaria at sa “mga dulo ng mundo”. Ang mga alagad ay sinugo hindi upang mag-anyaya, kundi upang magpahayag, ang Kristiyano ay hindi nag-aanyaya.

Ang Mga Gawa ng mga Apostol ay nagsasalita tungkol sa pagpapalawak ng misyon na ito at nagbibigay ng isang kapansin-pansing imahe ng Simbahan na "pumupunta" sa katapatan sa kanyang tawag na magpatotoo kay Kristong Panginoon at ginagabayan ng banal na pag-aalaga sa mga konkretong kondisyon ng kanyang buhay. Inuusig sa Jerusalem at pagkatapos ay lumaganap sa buong Judea at Samaria, ang unang mga Kristiyano ay nagpatotoo kay Jesus sa lahat ng dako (cf. Acts 8:1, 4).

May katulad pa ring nangyayari sa ating panahon. Dahil sa relihiyosong pag-uusig at mga sitwasyon ng digmaan at karahasan, maraming mga Kristiyano ang napipilitang tumakas mula sa kanilang mga tinubuang-bayan patungo sa ibang mga bansa. Kami ay nagpapasalamat sa mga kapatid na ito na hindi nananatiling nakakulong sa kanilang sariling pagdurusa ngunit nagpapatotoo tungkol kay Kristo at sa pag-ibig ng Diyos sa mga bansang tumatanggap sa kanila. Kaya naman, hinikayat sila ni San Pablo  VI na kilalanin ang "responsibilidad na nauukol sa mga imigrante sa bansang tumatanggap sa kanila" (Evangelii Nuntiandi, 21). Parami nang parami, nakikita natin kung paano ang presensya ng mga mananampalataya ng iba't ibang nasyonalidad ay nagpapayaman sa mukha ng mga parokya at ginagawa silang mas unibersal, mas Katoliko. Dahil dito, ang pastoral na pangangalaga ng mga migrante ay dapat pahalagahan bilang isang mahalagang gawaing misyonero na makakatulong din sa lokal na mananampalataya upang muling matuklasan ang kagalakan ng pananampalatayang Kristiyano na kanilang natanggap. Ang mga salitang “hanggang sa dulo ng mundo” ay dapat na maging hamon sa mga disipulo ni Hesus sa makabagong panahon at hikayatin silang lumayo sa mga pamilyar na lugar sa pagpapatotoo sa kaniya. Sa lahat ng benepisyong taglay ng modernong paglalakbay, mayroon pa ring mga heograpikal na lugar kung saan ang mga misyonerong saksi ni Kristo ay hindi pa dumarating upang dalhin ang Mabuting Balita ng kanyang pag-ibig.

Kung gayon hindi maipapagsasawalang bahala ito ng mga disipulo ni Hesus sa kanyang misyon. Ang Simbahan ni Kristo ay patuloy na "pumupunta" patungo sa mga bagong heograpikal, panlipunan at eksistensyal na mga abot-tanaw, patungo sa "hangganan" na mga lugar at mga sitwasyon ng tao, upang magpatotoo kay Kristo at sa kanyang pagmamahal sa mga kalalakihan at kababaihan at bawat tao, kultura at katayuan sa lipunan. Sa ganitong diwa, ang misyon ay palaging magiging isang missio ad gentes, gaya ng itinuro ng Ikalawang Konseho ng Vatican. Ang Simbahan ay dapat na patuloy na sumulong, lampas sa kanyang sariling mga limitasyon, upang magpatotoo sa lahat ng pag-ibig ni Kristo. Dito ay nais kong alalahanin at ipahayag ang aking pasasalamat sa lahat ng maraming misyonero na nagbuwis ng kanilang buhay upang “magpatuloy” sa pagkakatawang-tao ng pag-ibig ni Kristo sa lahat ng mga kapatid na kanilang nakilala.

3. "Tatanggap ka ng kapangyarihan" mula sa Banal na Espiritu – Lagi nawa tayong palakasin at gabayan ng Espiritu.

Nang atasan ng muling nabuhay na Kristo ang mga disipulo na maging kanyang mga saksi, ipinangako rin niya sa kanila ang biyayang kailangan para sa dakilang responsibilidad na ito: : “Tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo'y magiging mga saksi ko” (Acts 1:8). Mula sa salaysay sa Mga Gawa, kasunod ng pagbaba ng Banal na Espiritu sa mga disipulo naganap ang ang unang pagpapatotoo sa ipinako at muling nabuhay na Kristo. Ang kerygmatic proclamation na iyon – misyonerong pahayag ni San Pedro sa mga naninirahan sa Jerusalem - ay pinasinayaan ang isang panahon kung saan ang mga disipulo ni Jesus ay nag-ebanghelyo sa mundo. Bagaman sila ay dating mahina, takot at nakakulong sa kanilang sarili, ang Banal na Espiritu ay nagbigay sa kanila ng lakas, tapang at karunungan upang magpatotoo kay Kristo sa harap ng lahat.

Kung paanong "walang makapagsasabing 'Si Jesus ay Panginoon', maliban sa pamamagitan ng Banal na Espiritu" (1 Cor 12:3), kaya walang Kristiyano ang makakapagbigay ng buo at tunay na pagpapatotoo kay Kristo na Panginoon nang walang inspirasyon at tulong ng Espiritu. Lahat ng misyonerong disipulo ni Kristo ay tinawag na kilalanin ang mahalagang gawain ng Espiritu, upang manahan sa kanyang harapan araw-araw at upang matanggap ang kanyang walang-humpay na lakas at patnubay. Kaya naman, kapag nakakaramdam tayo ng pagod, walang motibasyon o nalilito dapat nating tandaan na humingi ng tulong sa Banal na Espiritu sa panalangin. Muli kong binibigyang-diin na ang panalangin ay may mahalagang papel sa buhay misyonero, sapagkat ito ay nagbibigay-daan sa atin ng kaginhawaan at pinalalakas ng Espiritu, ang pinagmumulan ng panibagong lakas at kagalakan sa pagbabahagi ng buhay ni Kristo sa iba. “Ang pagtanggap ng kagalakan ng Espiritu ay isang biyaya. Bukod dito, ito ang tanging puwersa na nagbibigay-daan sa atin na ipangaral ang Ebanghelyo at ipahayag ang ating pananampalataya sa Panginoon” (Mensahe sa Pontifical Mission Society, 21 Mayo 2020). Ang Espiritu, kung gayon, ang tunay na pangunahing tauhan ng misyon. Siya ang nagbibigay sa atin ng tamang salita, sa tamang panahon, at sa tamang paraan.

Sa liwanag ng pagkilos na ito ng Banal na Espiritu, nais din naming isaalang-alang ang mga anibersaryo ng mga misyonerong ipagdiriwang ngayong taon. Ang pagtatatag ng Sacred Congregation De Propaganda Fide noong 1622 na inudyukan ng pagnanais na isulong ang mandato ng misyonero sa mga bagong teritoryo. Isang banal na pananaw. Napatunayan ng Kongregasyon ang napakahalagang misyon ng ebanghelisasyon ng Simbahang Malaya mula sa panghihimasok ng mga makamundong kapangyarihan, upang makapag-patayo ng mga local na simbahang na ngayon ay nagpapakita ng kalakasan. Inaasahan namin na, tulad ng nakalipas na apat na siglo, ang Kongregasyon, na may liwanag at lakas ng Espiritu, ay magpapatuloy at paigtingin ang gawain nito sa pag-uugnay, pag-oorganisa at pagtataguyod ng mga gawaing misyonero ng Simbahan.

Ang parehong Espiritu na gumagabay sa unibersal na Simbahan ay nagbibigay inspirasyon din sa mga ordinaryong lalaki at babae para sa mga pambihirang misyon. Kaya nga ang isang kabataang babaeng Pranses, si Pauline Jaricot, ay nagtatag ng Society for the Propagation of the Faith eksaktong dalawang daang taon na ang nakalilipas. Ang kanyang beatipikasyon ay ipagdiriwang ngayong taon ng jubileo. Sa kabila ng mahinang kalusugan, tinanggap niya ang inspirasyon ng Diyos na magtatag ng isang network ng panalangin at koleksyon para sa mga misyonero, upang ang mga mananampalataya ay aktibong makilahok sa misyon "hanggang sa dulo ng mundo". Ang napakatalino na ideyang ito ay nagbunga ng taunang pagdiriwang ng World Mission Day, kung saan ang mga pondong nakolekta sa mga lokal na komunidad ay inilalapat sa unibersal na pondo kung saan sinusuportahan ng Papa ang aktibidad ng misyonero.

Sa bagay na ito, naalala ko rin ang French Bishop na si Charles de Forbin-Janson, na nagtatag ng Association of the Holy Childhood upang itaguyod ang misyon sa mga bata, na may motto na "Ang mga bata ay nag-ebanghelyo sa mga bata, ang mga bata ay nagdarasal para sa mga bata, ang mga bata ay tumutulong sa mga bata sa buong mundo". Ganun na rin si Jeanne Bigard, na nagpasinaya sa Society of Saint Peter the Apostle para sa suporta ng mga seminarista at pari sa mga lupain ng misyon. Ang tatlong Mission Society na iyon ay kinilala bilang "Pontifical" eksaktong isang daang taon na ang nakalilipas.

Sa ilalim din ng inspirasyon at patnubay ng Banal na Espiritu na si Blessed Paolo Manna, ipinanganak 150 taon na ang nakalilipas, ay itinatag ang kasalukuyang Pontifical Missionary Union, upang itaas ang kamalayan at paigtingin ang espiritu ng pagiging misyonero sa mga pari, kalalakihan at kababaihang relihiyoso at ng buong bayan ng Diyos. Si San Pablo VI ay naging kaisa ng mga samahang ito at kinumpirma ang pagkilala nito. Binanggit ko ang apat na Pontifical Mission Society na ito para sa kanilang mga dakilang ambag sa kasaysayan, ngunit upang hikayatin din kayong magsaya kasama nila, sa espesyal na taon na ito, para sa mga aktibidad na kanilang isinasagawa bilang suporta sa misyon ng ebanghelisasyon sa Simbahan, parehong pangkalahatan at lokal. Umaasa ako na ang mga lokal na Simbahan ay makatagpo sa mga samahang ito ng isang tiyak na paraan para mapaunlad diwa ng pagiging misyonero sa bayan ng Diyos.

Minamahal na mga kapatid, patuloy akong nangangarap ng isang ganap na misyonerong Simbahan, at isang bagong panahon ng gawaing misyonero sa mga pamayanang Kristiyano. Inuulit ko ang dakilang hangarin ni Moises para sa bayan ng Diyos sa kanilang paglalakbay: “Sana ang lahat ng mga tao ng Panginoon ay mga propeta!” (Bil 11:29). Kung gayon, Sana tayong lahat ay maging kung ano na tayo sa pamamagitan ng binyag na ating tinanggap: mga propeta, mga saksi, mga misyonero ng Panginoon, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, hanggang sa mga dulo ng mundo!

Maria, Reyna ng Misyon, ipanalangin mo kami!

Roma, San Juan Lateran, Enero 6, 2022, Dakilang kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon