Skip to main content

Maria… Pinagpala, Modelo, Ina nating Lahat

| Ma. Teresa F. Tocayon

Ang buwan ng Setyembre ay buwang itinalaga ng St. Francis Xavier Parish para kay Birheng Maria. Ito ay may temang “Mary: Model of Christian Discipleship.” Kaugnay nito, ginanap ang isang Marian Conference sa parokya na dinaluhan ng iba’t ibang ministries, mga mandated organizations, at mga BEC.

Dito tinalakay ni Msgr. Romulo Rañada ang ilang mga bagay sa ating pananampalataya tungkol kay Maria na mahalagang maunawaan ng bawat Kristiyano. Ang ilan sa mga mahahalagang punto ng kanyang pagtalakay ay ang mga sumusunod:

  1. “Mary is a woman with special gifts.”
  2. Kailangan ang pagtuturo ng Simbahan tungkol kay Maria.
  3. Kailangang bigyan si Maria ng tama at wastong pagpaparangal.
  4. Kailangan ng patuloy na pag-aaral at pagkilala sa kanya dahil marami tayong malalaman tungkol sa Diyos mula sa kanya.
  5. Kailangan tayong magkaroon ng malalim na pagmamahal kay Maria hindi lamang sa pamamagitan ng pag-aalay ng bulaklak, debosyon, rosaryo, at panalangin.
  6. Matututunan natin ang tungkol kay Maria sa pamamagitan ng pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya.
  7. Si Maria ay hindi lamang basta babae o tao kundi napakahalagang tao para sa ating kaligtasan.

Ayon pa kay Msgr. Rañada, walang sobra sa pagbibigay ng parangal (hindi ito pagsamba), paggalang, pagmamahal, panalangin, at pag-aaral tungkol kay Maria kundi sapat lang, sapagkat siya ay pinili ng Diyos na maging ina ni Hesus. Ayon sa ebanghelyo ni San Lucas 1:37-49, “Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon…  Mula ngayon ang lahat ng tao ay tatawagin akong mapalad.” Ito ang dahilan kung bakit ang kanyang pangalan ay laging may kalakip na “Blessed” o pinagpala (Blessed Virgin Mary). Mapalad siya hindi dahil sa kanyang talento at kakayahan, kundi dahil sa maraming ginawa ang Diyos sa kanya. Nilingap, pinagpala, at pinili siya ng Diyos kahit siya’y aba.

Si Maria ang abang alipin ng Panginoon dahil siya ay laging sumasagot ng “YES.” Pumayag siya sa kalooban ng Panginoon kung kaya’t “nagkatawang tao ang Salita at nakipamuhay sa atin.” Si Maria ay laging sumasagot ng “YES” sa Panginoon sapagkat siya ay punung-puno ng pagtitiwala at pananampalataya sa Diyos sa kabila ng kaniyang mga pagsubok, pasakit at hinagpis. Sa Lucas 2:41-52, sinabi ni Hesus, “Hindi ba ninyo alam na ako ay dapat mamalagi sa bahay ng aking Ama?” Kahit masakit ito kay Maria, alam niyang ito ay isang paghahanda sa maraming pagsubok na kanyang mararanasan.

Sa Lucas 2:1-12, sa kasalan sa Cana, nabatid ni Maria na wala nang alak, at mapapahiya ang mga kinasal, kaya’t sinabi niya kay Hesus ang sitwasyon. Subalit sinabi ni Hesus, “Hindi pa ito ang aking oras.” Inilagay ni Maria sa kamay ng Diyos ang lahat. Ginawa nga ni Hesus na alak ang tubig, hindi dahil “ina” niya si Maria kundi dahil “nakinig at sumunod si Maria sa salita ng Diyos.” Ang pakikinig at pagsunod ni Maria sa Salita ng Diyos ang naging daan upang siya ay maging lingkod ng Diyos hanggang wakas. Si Maria ay mananatiling pinagpala dahil sa ginawa ng Diyos para sa kaniya.

Ayon sa kasulatan, magkaugnay sina Maria at Hesus. Hindi puwedeng ihiwalay si Maria sa pagmamahal ng Diyos. Upang mapalapit tayo kay Hesus, dapat lumapit tayo at maging daan si Maria (Ad Iesum per Mariam). Ang pagpaparangal (veneration) kay Maria ay nakaugnay kay Kristo at sa Banal na Santatlo, hindi ito hiwalay.  Si Maria ay nakaugnay sa Diyos nang tanggapin niya ang Espiritu Santo sa paglilihi at pagdadalang-tao kay Hesus. Sina Maria at Hesus ay magkaugnay sa pamamagitan ng Salita, sa pakikinig sa Salita, siya ay naging disipulo ng kanyang Anak na si Hesus.

Sa aking pakikinig sa pagtalakay ni Msgr. Rañada, aking nabatid na bilang Kristiyano, katulad ni Maria, kailangan tayong maglingkod nang may buong pagtitiwala at pananampalataya sa Diyos. Dapat tayong manalig sa Kanya anuman ang ating sitwasyon sa buhay, ito man ay kapighatian o kaligayahan.

Isang modelo rin si Maria ng kababaang-loob sa paglilingkod; kahit siya ay pinagpala ng Diyos, ginamit niya ito sa tama at kabutihan, sang-ayon sa kalooban ng Diyos. Tayong mga Kristiyano, bilang mga lingkod ng Diyos, katulad ni Maria, maging mapagkumbaba rin tayo, matutong makinig at sumunod sa Salita ng Diyos at sa Kanyang kalooban.

Nabigyan din ng pagkakataon ang mga dumalo na magtanong bilang paglilinaw sa mga turong Kristiyano tungkol kay Maria. Masaya ang lahat dahil nalinawan sila hinggil sa mga katanungang ito. Sa huli, ipinaalala ni Msgr. Rañada ang tatlong mahahalagang panalangin na dapat nating dasalin: 1. Hail Mary; 2. Angelus; 3. Holy Rosary.

Naging mabunga ang ginawang Marian Conference. Nakakatuwa dahil mayroon tayong isang Ina, ang Birheng Maria, na handang umalalay sa atin sa kabila ng lahat na pagsubok sa ating buhay. Isang napakagandang mensahe na iniwan ni Msgr. Rañada: “Hindi sa dugo ang basehan ng pagiging magkakapatid, kundi sa ating koneksyon sa Salita ng Diyos, kay Kristo-Hesus.”