Skip to main content

Mensahe ng Kanyang Kabanalan Papa Francisco Para sa Araw ng Misyon sa Daigdig 2020

| Francisco Javier Beltran Aceves

“Narito po ako, ako ang Inyong isugo” (Is. 6:8)

Mga minamahal na mga Kapatid,

Nais kong ipahayag ang aking pasasalamat sa Diyos para sa pangakong ginampanan ng Simbahan sa buong mundo ang Extraordinary Missionary Month (Buwan ng Katangi-tanging Misyonero) noong nakaraang Oktubre. Ako ay sang-ayon na pinasigla nito ang misyonerong pagbabago ng maraming komunidad sa landas na ipinahiwatig ng tema:

“Nabinyagan at Isinugo: Ang Simbahan ni Kristo sa Misyon sa Buong Mundo”

Sa taong ito namarkahan ng mga paghihirap at mga pagsubok na idinulot ng COVID 19 pandemya, ang misyonerong paglalakbay ng buong Simbahan na nagpatuloy ng ilaw sa mga salitang ipinahayag sa pagtawag kay Propeta Isaias: “Narito po ako, ako ang Inyong Isugo (6:8).” Ito ang laging bagong tugon sa mga tanong ng Panginoon: “Sino ang aking itatalaga?” (Ibid) Ang paanyaya mula sa mahabaging  puso ng Diyos ay humahamon sa Simbahan at sa sangkatauhan sa kanyang kabuuan sa kasalukuyang pandaigdigang krisis. Katulad ng mga disipulo sa Ebanghelyo tayo ay nahuli ng hindi nating inaasahang maligalig na bagyo. Napagtanto natin na tayo ay nasa parehong bangka, lahat tayo ay marupok, hindi nababagabag, ngunit ganun pa man mahalaga at kailangan lahat tayo ay tinawag na sama-samang sumagwan, bawat isa ay nangangailangan ng pag-aliw ng isa’t isa. Sa bangkang ito, tayong lahat, katulad ng mga disipulong iyon, na mga balisang nagsalita sa isang tinig “mamamatay na tayo” (V.38); kaya tayo rin, ating napagtanto na hindi tayo makapagpapatuloy na sarili lang natin ang ating iniisip, bagkus sa ating pagsasama-sama lamang magagawa ito (Meditation in St. Peter’s Square, 27 March 2020). Tayo ay talagang nabahala at natakot. Ang sakit at kamatayan ay nagpadama sa atin ng ating kahinaan bilang tao at gayun din naman ipinaalaala sa atin ang ating marubdob na pagnanais na mabuhay at maging malaya sa kasamaan. Sa puntong ito, ang tawag ng misyon, ang paanyaya na iwan ang ating sarili para sa pagmamahal sa Diyos at sa kapuwa ay nagpapakita mismo ng isang oportunidad para magbahagi, maglingkod, at maging tagapamagitan sa panalangin. Ang misyon na ipinagkatiwala sa bawat isa sa atin ay hahantong sa takot at pagmumuni-muni sa pagbabagong pagsasakatuparan na tiyak nating makikita sa ating sarili kapag ibinigay natin ito sa ating kapwa.

Sa sakripisyo sa Krus, kung saan ang misyon ni Jesus ay nagkaroon ng buong kaganapan (cf. Jn 19:28-30), ipinakita ng Diyos sa atin na ang kanyang pag-ibig ay para sa bawat isa sa atin. (cf. Jn 19:26-27). Hiniling Niya sa atin na personal na maging handa upang maisugo, dahil Siya mismo ay Pag-ibig, pag-ibig na palaging “nasa misyon”, palaging nakikipag-ugnayan upang magbigay ng buhay. Sa pamamagitan ng Kanyang pagmamahal sa atin, ang Diyos Ama ay isinugo ang Kanyang Anak na si Jesus (cf. Jm 3:16). Si Jesus ang Misyonero ng Ama: ang Kanyang buhay at ministeryo ay ipinahayag ng Kanyang lubos na pagsunod sa  kagustuhan ng Ama (cf. Jn 4:34; 6:38; 8:12-30; Heb 10:5-10.) Si Jesus ipinako, at muling nabuhay para sa atin, upang sa gayun ay maakit tayo sa Kanyang misyon ng pagmamahal at sa Kanyang Espiritu na binuhay ang Simbahan, ginawa Niya tayong Kanyang mga disipulo at isinugo tayo sa misyon sa daigdig at sa Kanyang sambayanan.

“Ang Misyon”, ang “Simbahang Kumikilos” ay hindi isang programa, isang pamumuhunan na naisasakatuparan ng labis na lakas ng kalooban. Si Kristo ang gumagawa ng paraan upang ito ay lumabas sa kanyang sarili. Sa misyon ng ebanghelisasyon, kumikilos tayo dahil itinutulak tayo ng Espiritu Santo at dinadala tayo. (Senza di Lui Non possiamo fare nulla:Essere missionary oggi nel mondo. Una converzasione con Giovanni Valente,Libreria Editrice Vaticana: Sao Paolo, 2019, 16-17)  Lagi tayong unang minahal ng Diyos at sa pagmamahal na ito lumapit Siya at tinawag tayo. Ang ating personal na bokasyon ay nanggaling mismo sa ating pagiging mga anak ng Diyos sa Simbahan, ang Kanyang pamilya, mga Kapatid sa pag-ibig na iyon ni Jesus na ipinakita sa atin. Lahat, ganun pa man, ay may dignidad ng tao, na itinatag sa paanyaya ng Diyos na maging mga anak ng Diyos at upang maging saksi na ibinigay at sa kalayaan ng pananampalataya, kung ano sila palagi sa puso ng Diyos.

Ang buhay mismo, ay regalo na malayang tinanggap, isang pahiwatig na paanyaya sa regalong ito ng sarili, ito ay isang buto na sa binyag ay namukadkad bilang tugon sa pag-ibig sa kasal o sa pagkabirhen para sa kaharian ng Diyos.  Ang buhay ng tao ay isinilang sa pag-ibig ng Diyos, lumalaki sa pag-ibig at nahihilig patungo sa pag-ibig. Walang makapaghihiwalay sa pag-ibig ng Diyos, at sa banal na sakripisyo ni Jesus, ang Kanyang anak sa Krus, nagapi ng Diyos ang kasalanan at kamatayan (cf. Rom 8:31-39). Para sa Diyos, ang kasamaan, kahit ang kasalanan ay naging pagsubok upang tumugon ng may higit na pag-ibig (cf Mt 5:38-48; Lk 22:33-34). Sa Misteryo ng Paskwa, ang Banal na Awa ang humilom sa sugatang sangkatauhan at ibinuhos sa buong sanlibutan. Ang Simbahan, ang pangkalahatang sakramento ng pag-ibig ng Diyos para sa mundo, patuloy ang misyon ni Jesus sa kasaysayan at sinugo tayo kahit saan upang sa pamamagitan ng ating pagiging saksi ng pananampalataya at sa pagpapahayag ng Ebanghelyo, ipagpatuloy ng Diyos ang pagpapahayag ng Kanyang pag-ibig at sa ganitong paraan mahipo at mabago ang mga puso, isip, katawan, lipunan at kaluluwa sa lahat ng lugar at oras.

Ang Misyon ay isang malaya at sinadyang tugon sa tawag ng Diyos. Gayunpaman, nababatid lang natin ang tawag na ito kung mayroon tayong personal na ugnayan sa pagmamahal kay Jesus na nasa Kanyang Simbahan. Tanungin natin ang ating sarili: handa ba tayong tanggapin ang presensiya ng Espiritu Santo sa ating buhay, ang makinig sa tawag ng misyon, maging sa ating buhay mag-asawa o itinalagang tao o mga tinawag sa ordenadong ministeryo, at sa araw-araw na pangyayari sa ating buhay? Nakahanda ka bang maitalaga kahit anong oras o kahit saan lugar upang maging saksi ng ating pananampalataya sa Diyos , ang mahabaging nAma, upang ipahayag ang ebanghelyo ng kaligtasan kay Jesu-Kristo, upang ibahagi ang banal na buhay ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pagtatayo ng Simbahan? Tayo, kagaya ni Maria, Ina ni Jesus, handa ba tayong buong buo na tumugon sa kalooban ng Diyos? (cf. Lk1:38) Itong panloob na pagiging bukas loob ay mahalaga kung sasabihin natin sa Diyos “Narito ako, Panginoon, ako ang Iyong isugo (cf. Is. 6:8) At ito ang hindi mahirap unawain, sa kabanatang ito ng buhay ng Simbahan at ng kasaysayan.

Sa pag-unawa sa kung ano ang ibig sabihin sa atin ng Diyos sa panahong ito ng pandemya ay kumakatawan rin sa pagsubok para sa misyon ng Simbahan. Ang galit, pagdurusa, takot at paghihiwalay ay hinamon tayo. Ang kahirapan ng mga namatay na nag-iisa, ang abandonado, silang nawalang ng mga hanapbuhay at pagkakakitaan, ang nawalan ng tahanan, at silang walang makain ay hinamon tayo. Ang sapilitang pagsunod sa “social distancing” at ang manatili sa bahay o “stay home” ay nag-aanyaya sa atin na muling matuklasan na kailangan natin ang pakikipag-ugnayan sa lipunan, gayundin ang ating pangkomunidad na pakikipag-ugnayan sa Diyos. Malayo sa tumataas na kawalang tiwala at pagwawalang bahala, ang kalagayang ito na dapat gawin tayong mas masigasig sa pakikipag-ugnayan sa iba. At ang panalangin, kung saan hinihipo at ipinadadama sa ating puso ng Diyos, nararapat na mas maging bukas tayo sa pangangailangan ng ating mga kapatid para sa dignidad at kalayaan, gayundin sa ating responsibilidad sa pangangalaga ng lahat ng Kanyang nilikha. Ang pagiging di ikapangyayari upang ang pagsasama-sama bilang Simbahang ipagdiriwang ang Eukaristiya ay humantong sa ating pagbabahagi ng mga karanasan ng maraming Kristiyanong komunidad na hindi makapagdiwang ng misa tuwing Linggo. Sa lahat ng ito, ang tanong ng Diyos: “Sino ang aking isusugo?” ay nakatuon muli sa atin at naghihintay ng bukas palad at kapani-paniwalang tugon: “Narito ako Panginoon, isugo mo ako” (Is 6:8). Ang Panginoon ay patuloy na naghahanap kung sino ang kanyang isusugo  sa mundo at sa mga bansa upang maging saksi ng Kanyang pag-ibig, ng Kanyang pagpapalaya sa kasalanan at kamatayan, ng Kanyang kalayaan sa kasamaan. (cf. Mt 9:35-38; Lk 10:1-12)

Sa pagdiriwang ng World Mission Day, ang okasyon din upang  muling pagtibayin kung papaano ang panalangin, repleksyon, at materyal na tulong na inyong inialay ay maraming pagkakataon upang aktibong makisama sa misyon ni Jesus sa Simbahan. Ang kawanggawang ipinahayag sa mga koleksyon na naganap noong pagtitipong liturhikal noong ikatlong Linggo ng Oktubre ay naglalayon at sumusuporta sa gawaing misyonero na ipinadadala sa pangalan ng Pontifical Mission Societies, upang matugunan ang spiritual at materyal na pangangailangan ng Sambayanan at ng Simbahan sa buong mundo, para sa kaligtasan ng lahat.

Nawa ang kabanal banalang Birheng Maria, Tala ng Ebanghelisasyon at Tagapag-aliw ng mga Nagdurusa, Disipulong Misyonero ng kanyang Anak na si Hesus ay patuloy na mamagitan para sa atin at panatilihin tayo.

(Rome, Saint John Lateran, 31 May 2020 Solemnity of Pentecost)