Skip to main content

1st day novena to St. Guido M. Conforti

| Francisco Javier Beltran Aceves

Ang espiritu ng buhay pananampalataya

Panimula

Pinili ni San Guido Maria Conforti ang pananampalataya bilang pamantayan ng kanyang buhay, kung saan ito ay  naging inspirasyon niya sa mga pagpapasiya niya sa kanyang sarili. Ang kanyang masidhing pagkahilig sa pagpapahayag ng pananampalataya ay para sa mga hindi pa naniniwala at sa mga tumiwalag dito. Sa wakas ng kanyang buhay bilang Obispo at tagapagtatag, nanalangin siya sa ganitong paraan: “”Panatilihin Mo Panginoon ang aming pananampalataya , upang makita, maghangad at mahalin ang Diyos sa lahat,” Ito ang kawikaang sinubukang niyang gawin upang ipahayag ang kahalagahan at pagiging buhay ng pananampalataya.

Ang salita ng Diyos (Hebreo 11:3.6.8-10)

Dahil sa pananampalataya, nauunawaan natin na ang sanlibutan ay nilalang sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, at ang mga bagay na nakikita ay mula sa mga hindi nakikita.

Kung hindi tayo sumasampalataya sa Diyos, hindi natin Siya mabibigyang kaluguran, sapagkat  ang  sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos na nagbibigay ng gantimpala sa mga nananalig sa Kanya. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, sumunod si Abraham nang siya’y utusan ng Diyos upang pumunta sa isang lupaing ipinangako sa kanya. Sumunod nga siya, kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta. Dahil din sa kanyang pananampalataya, siya’y nanirahan bilang dayuhan sa lupang ipinangako sa kanya. Mga tolda ang naging tirahan nila, gayundin sina Isaac at Jacob na tumanggap din naman   ng pangakong katulad niyon. Sapagkat matapat na hinihintay ni Abraham ang isang lungsod na Diyos mismo ang nagplano at nagtatag.

Salmo (26:1.4.7-9.13-14)

TUGON:
Pakinggan mo ako Yahweh, sa aking panawagan.

Sagutin mo ako at iyong kahabagan.
Si Yahweh ang ilaw ko at kaligtasan.
Kay Yahweh ay isang bagay lang ang aking hiniling,
iisa lamang talaga ang aking hangarin:
ang tumira sa Templo niya habang buhay,
upang kagandahan ni Yahwe’’y aking mapagmasdan,
at doo’y humingi sa kanya ng patnubay
Pakinggan mo ako Yahweh, sa aking panawagan,
sagutin mo ako at iyong kahabagan. TUGON

Nang sabihin mo Yahweh, “Lumapit ka sa akin,”
sagot ko’’y, “Nariyan na ako at kita’’y sasambahin.”
Huwag ka sanang magagalit sa akin;
ang iyong lingkod, huwag mo sanang palayasin. TUGON

Naniniwala akong bago ako mamatay,
kabutihan ni Yahwe’y aking masasaksihan.
Kay Yahweh tayo’y magtiwala!
Manalig sa kanya at huwag manghinawa. 
Kay Yahweh tayo magtiwala! TUGON

Turo ni San Guido Maria Conforti

Ang Diyos ay ang ating pinagmulan at ang ating wakas, ituon natin ang ating buhay sa Kanya. Pinagkalooban tayo ng katalinuhan upang makilala Siya, ng puso upang mahalin Siya, kumilos ayon sa Kanyang kalooban, samakatuwid ang kilalanin, mahalin at paglingkuran ang Diyos ang layunin kung bakit tayo ay nandito sa lupa. Sinuman ang nagnanais na isaalang-alang ang pagiging ganap na Kristiyano sa ganitong pananaw ay nais yakapin ang lahat ng layunin na dapat gawin,  hindi lang upang subukang makita ang Diyos, mahalin ang Diyos at hanapin ang Diyos sa lahat.

Panalangin

Nagpapasalamat kami sa iyo Panginoon sa pagbibigay mo sa amin kay San Guido Maria Conforti isang kahanga-hangang halimbawa na magbubuklod sa Iyong salita. Ipag kaloob mo na lumapit kami sa Iyo upang makita Ka, hanapin at mahalin Ka sa lahat ng bagay at higit sa lahat ay upang makasama Ka sa buhay na walang hanggan ang kaligayahan. Sa pamamagitan Niya, ipagkaloob mo ang biyaya at grasya na hinihiling namin…

Ama namin... Aba Ginoong Maria... Luwalhati sa Ama...