Skip to main content

Mensahe ni Papa Francisco para sa 2021 Araw ng Bokasyon at Mabuting Pastol

| Lilli Ann Malonzo

Inilathala ni Papa Francisco ang isang Liham Apostoliko bilang bahagi ng paggunita sa ika-150 anibersaryo ni San Jose na Pintakasi at Tagapagtanggol ng Simbahan.

Ang Patris Corde (Sa Puso ng Isang Ama) ay gabay sa ating bokasyon at naglalayong matutunan nating mas pahalagahan si San Jose.

Kasabay nito ay ipinahayag din ng Santo Papa ang taong 2021 bilang taon ni San Jose. Ito ay nagsimula nuong Disyembre 8, 2020 (Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birhen) hanggang sa susunod na Dakilang Kapistahan nito sa Disyembre 8, 2021.

Ang Puso ng Isang Ama

Si San Jose ay isang karaniwang tao ngunit ang kanyang pagiging matuwid at ang pamumuhay ng payak ay naging katangi-tangi sa paningin ng Diyos.

Nakita ng Panginoon kay San Jose ang puso ng isang ama. Mapagbigay at marunong magdala ng buhay sa gitna ng mga ordinaryo at pang-araw-araw na gawain . 

Ganun din naman sa bokasyon. Nais ng Panginoon na mahubog  ang puso ng bawat ama at ina; maging bukas-puso, mahabagin at matatag maging sa panahon ng kawalang pag-asa.

Ang mga pari at mga taong inilaan ang buhay sa Diyos (consecrated lives) ay lubhang kailangan din ang mga nabanggit na katangian, lalo na ngayong panahon ng paghihirap dulot ng pandemya.

Mga Katangian ni San Jose

Ayon sa Patris Corde, may tatlong bagay o katangian si San Jose na makakatulong sa ating bokasyon.

1. Pangarap

Lahat tayo ay naghahanap ng kahulugan ng buhay. Kung minsan inaakala natin na iyon ay matatagpuan sa pera, tagumpay, sa paglilibang at iba pa. Kung kaya't tayo ay nagpa-plano kung paano maisasagawa ang mga iyon.

Ayon kay Papa Francisco, "tayo ay makakatagpo ng buhay kung ito'y ipagkakaloob natin."

Sa ebanghelyo, apat na beses pinaalalahanan ng Diyos si San Jose sa pamamagitan ng panaginip. At sa bawat pagkakataon, kinailangan niyang kalimutan ang kanyang mga plano at magtiwala sa Diyos.

Nais ng Banal na Papa na maging gabay nawa ng mga kabataan si San Jose; maging malinaw sa kanila ang pangarap ng Diyos sa kanilang buhay. At magkaroon sila ng lakas ng loob na tumugon ng "oo" sa Kanyang paanyaya.

2. Paglilingkod

Nabuhay si San Jose para sa kapwa. Ang kanyang mapagkalingang pagmamahal ang daan kung kaya't siya ang tinaguriang Pintakasi at Tagapagtanggol ng Simbahan.

Ang kanyang sakripisyo ay pinagtibay ng dakilang pag-ibig. Dagdag pa ng Patris Corde, "ang tunay na bokasyon ay nagmumula sa pagbibigay ng sarili, na siyang bunga ng ganap na sakripisyo."

3. Katapatan

Ang mga unang salita na narinig ni San Jose sa kanyang panaginip ay ang paanyaya na huwag matakot; ang Panginoon ay laging tapat sa kanyang mga pangako.

"Huwag kang matakot!" Ito din ang mga salitang nais iparating sa iyo ng Panginoon, ayon Kay Papa Francisco. Ulit-ulitin mo ito sa tuwing nararamdaman mo na sa kabila ng pag-aatubili, hindi mo na kayang ipagpaliban pa ang pagnanais na ibigay ang buhay sa Kanya.

Hangad ng Banal na Papa na magsilbing panalangin natin ito na tulad ni San Jose ay tumugon ng "oo" sa Panginoon. Dagdag pa ng Banal na Papa, nawa ay manatiling tayong matapat araw-araw sa ating bokasyon.

Ang Panalangin ng Santo Papa

Sa pagtatapos Ng Patris Corbe, inilahad niya na ang katapatan ay may kalakip na kaligayahan. Ang kanyang dalangin ay mapuno ang bawat seminaryo, bahay-dalanginan at monasteryo ng  ganitong uri ng kaligayahan. 

Hiling din ni Papa Francisco kay San Jose, Tagapagtanggol ng Bokasyon at may puso ng isang ama, na gabayan tayo sa ating paglalakbay sa buhay na Ito.