Skip to main content

Happiness Community Pantry sinuportahan ng St. Francis Xavier Parish

| Maria Teresa F. Tocayon

Pinilahan ng mga tao ang unang araw ng pagsisimula ng Happiness Community Pantry (HCP) na para sa komunidad ng Maligaya. Dalawang istasyon ng HCP ang itinayo sa komunidad. Ito ay matatagpuan sa St. Guido Maria Conforti Chapel (Zone 3) at Feliciano Covered Court (Zone 1). Mayo 3, 2021

Ang nasabing community pantry ay mula sa inisiyatibo ng Online Bayanihan Youth - sa pangunguna ni Kent Charles Monteza na siya namang masugid na sinusuportahan ng St. Francis Xavier Parish sa pamumuno naman nina Rev. Fr. Simone Piccolo, parish priest, at Rev. Fr. Francisco Javier Beltran, vicar priest, katuwang ang Parish Pastoral Council (PPC), at mga kabataang mula sa Parish Youth Ministry.

Kabilang pa sa mga grupo na sumusuporta sa HCP ay ang Rotaract Club of Quirino Manila Central, Triskelion, PUP Artist Guild, SK - Brgy. Pasong Putik at Brgy. Pasong Putik. 

Ayon sa mensahe ni Bishop Roberto Gaa ng Diocese ng Novaliches, sa pamamagitan ng Community Pantry, pinagtatagpo ni Jesus ang "mga taong may kakayanang magbigay at mga taong may pangangailangan" para magtulungan at magmalasakitan sa bawat isa. Ika nga sa karatula ng mga community pantry, “magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan.”

Maligaya Pantry at Feliciano

Layunin ng Happiness Community Pantry na makatulong at makaagapay sa pangangailangan ng mga tao ngayong panahon ng pandemya sa pamamagitan ng pagbabahagi ng biyaya ng mga taong may kakayahan at mabubuting kalooban.

Matagumpay at mapayapang naidaos ang unang araw ng community pantry sa Conforti Chapel sa tulong na rin ng mga tauhan ng Barangay 177, Caloocan, at sa Feliciano Covered Court sa tulong naman ng Bgy. Pasong Putik, Quezon City.

Ayon sa datos ng OL Bayanihan Youth, sumatutal 125 na tao ang nabigyan ng tulong sa unang araw ng community pantry at sa mga susunod na araw ay mayroon pang 200 katao ang makakatanggap ng tulong. 

Inaasahan na magpapatuloy ang programa sa mga susunod na araw bunga na rin ng pagkakaisa at pagtutulungan ng mga aktibong kabataan, mga area pastoral leader at ng mga nabanggit na organisasyon sa itaas pati na rin sa mga indibidwal na walang sawang tumutulong sa proyekto.

Sa ganitong gawain, masasabi at makikita natin na buháy si Jesus sa bawat tao sa lahat ng pagkakataon, maging sa panahon ng pandemya.