Skip to main content

Pope Francis’ Message for World Mission Day 2019 in Tagalog (Filipino Translation)

| Francisco Javier Beltran Aceves

Bininyagan at isinugo: Ang Simbahan ni Kristo sa Misyon sa Mundo

Pinakamamahal kong mga Kapatid,

Para sa buwan ng Oktubre 2019, hinihiling ko sa buong Simbahan, buhayin ang kanilang misyonerong kamalayan at pangako bilang paggunita natin sa sentenaryo ng Apostolikong Liham, “Maximum Illud” ni Papa Benedicto XV (30 Nobyembre 1919). Ang malinaw at propetikong pangitain ng mga apostolado ay muling nagpaalaala sa akin ng kahalagahan ng pagpapanibago ng pangako ng misyonero ng Simbahan at pagbibigay ng bagong bugso sa kanyang gawaing ebangheliko na pagpapahayag at pagdadala sa sanlibutan ng kaligtasan ni Hesukristo na namatay at muling nabuhay.

Ang pamagat ng bagong Mensahe ay katulad nang Buwan ng Misyonero ng Oktubre: Bininyagan at Isinugo: Ang Simbahan ni Kristo sa Misyon sa Sanlibutan. Ang pagdiriwang sa buwang ito ay makatutulong una sa lahat upang matuklasang muli ang sukat ng misyonerong pananampalataya kay Hesukristo, ang magiliw na pananampalatayang ipinagkaloob sa atin sa binyag. Ang kaugnayang pagmamahal-anak natin sa Diyos ay hindi isang bagay na pribado, bagkus palaging may kaugnayan sa Simbahan. Sa pamamagitan nang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo, tayo, kasama pa nang ating iba’t ibang mga kapatid, ay isinilang sa bagong buhay. Ang banal na buhay na ito ay hindi isang produktong ipinagbibili—hindi tayo nagsasanay ng pagbabago ng paniniwala (proselytism) – bagkus isang kayamanang ibibigay, ipinababatid at ipinahahayag: iyan ang kahulugan ng Misyon. Tinanggap natin ang regalong ito nang malaya at ating ibinahagi nang malaya (cf, Mt 10:8), nang walang itinatanging sinuman. Ninais ng Diyos na ang lahat ng tao ay mailigtas sa pamamagitan ng pag-alam ng katotohanan at pagdanas ng kanyang awa sa tulong ng mga ministeryo ng Simbahan, ang pangkalahatang sakramento ng kaligtasan (cf. 1Tim 2:4; Lumen Gentium, 48).

Ang Simbahan ay nasa misyon sa mundo. Dahil sa pananalig kay Jesukristo, naipapakita sa atin ang lahat ng bagay na nagdadala sa atin sa tamang pananaw, habang tinitingnan natin ang mundo sa sariling mata at puso ng Diyos. Ang pag-asa ang nagbubukas sa atin hanggang sa walang hanggang hangganan ng banal na buhay na ating ipinamamahagi. Pagkakawanggawa, na kung saan nag-aasam tayo nang mga sakramento at nang pangkapatirang pagmamahal, na nagbubunsod sa atin na magtungo sa mga dulo ng mundo. (cf. Mic 5:4; Mt 28:19; Acts 1:8; Rom 10:18). Ang Simbahan na pasulong na nagpapatuloy sa pinakamalayong hangganan ay nangangailangan nang palagian at patuloy na pagbabalik-loob ng misyonero. Ilang mga santo, ilang mga lalaki’t babae ng pananampalataya, ang nagpatotoo sa katotohanan na ang walang limitasyong pagiging bukas na ito, na nangyayari sa awa ay possible at makatotohanan, sapagkat hinihimok ito sa pag-ibig at sa pinakamalalim na kahulugan bilang regalo, sakripisyo at pasasalamat (cf. 2Cor 5:14-21)! Ang taong nagpapahayag ng tungkol sa Diyos ay dapat maging isang tao ng Diyos. (cf. Maximum Illud).

Ang misyonerong kautusang ito ay personal na nakaantig sa akin: Ako ay misyon, palagi; ikaw ay misyon, palagi; lahat ng binyagang lalaki at babae ay isang misyon. Ang mga taong umiibig ay hindi kailanman tumitigil: sila ay naaakit sa kanilang sarili, sila ay naaakit at sila rin ay nakakaakit, ibinibigay nila ang kanilang sarili sa iba at nakakabuo ng ugnayan at nakapagbibigay- buhay. Kung tungkol sa pag-ibig sa Diyos, walang sinuman ang hindi kailangan o hindi mahalaga. Ang bawat isa sa atin ay isang misyon sa mundo, upang bawat isa ay maging bunga ng pag-ibig ng Diyos. Kahit na ang magulang ay ipagkanulo ng kanilang pagmamahal sa pamamagitan ng pagsisinungaling, poot at pagtataksil, hindi kailanman binabawi ng Diyos ang kanyang handog na buhay. Mula sa kawalang hanggan, inilaan Niya ang kanyang bawat anak na makibahagi sa Kanyang banal at walang hanggang buhay (cf. Eph 1:3-6).

Ang buhay ay ipinagkaloob sa atin  noong tayo ay binyagan, na nagkaloob sa atin ng regalo ng pananampalataya kay Jesukristo, ang lumupig sa kasalanan at kamatayan. Ibinigay sa atin ng binyag ang bagong buhay sa mismong imahe at pagkakahawig sa Diyos, at ginawa tayong kasapi ng Katawan ni Kristo, ang Simbahan. Samakatuwid, ang binyag ay ang tunay na kinakailangan sa kaligtasan upang tayo ay tinitiyak na palagi at kahit saan ay mga anak tayo sa tahanan ng Diyos, at hindi mga ulila, dayuhan o alipin. Kung ano ang nasa Kristiyano ay isang mahalagang sakramento ng katotohanan na ang katuparan ay matatagpuan sa Eukaristiya—na nanatiling bokasyon at hangganan ng bawat lalaki at babae na naghahanap ng pagpapanibago at kaligtasan. Sapagkat ang binyag ay tinutupad ang pangakong regalo ng Diyos na ang lahat ay ginagawang mga anak sa pamamagitan ng Anak. Tayo ay mga anak ng ating likas na mga magulang, subalit sa binyag ay tinanggap natin ang kauna-unahang pagkaama at ang tunay na pagka-ina: walang sinuman maaaring gawing Ama ang Diyos na walang simbahan para sa isang Ina (cf: Saint Cyprian, De Cath.Ecc.,6).

Ang ating misyon, kung ganun, ay nag-uugat sa pagka-Ama ng Diyos at sa pagka-ina ng Simbahan. Ang kautusan na ibinigay ni Jesus na Muling Nabuhay sa Pasko ng Pagkabuhay ay likas sa binyag, “kung paano isinugo ako ng Ama, isinusugo ko kayo, puspos ng Banal na Espiritu, para sa pagkakasundo ng mundo (cf. Jn 20:19-23, Mt 28:16-20). Ang misyong ito ay bahagi ng ating pagkakakilanlan bilang Kristiyano, ginagawa tayong may pananagutang makita ang lahat ng mga lalaki at babae na maunawaan ang kanilang bokasyon na maging ampong anak ng Ama, upang makilala ang kanilang personal na dignidad at ikalugod ang lubhang kailangan kahalagahan ng bawat isang buhay ng tao, simula sa paglilihi hanggang kamatayan. Ngayong laganap ang sekularismo, kapag ito ay naging isang mapusok na pagtanggi sa kultura ng aktibong pagka-Ama ng Diyos sa ating kasaysayan, ito ay isang hadlang sa kapanipaniwalang kapatirang pantao, na nakahahanap ng pagpapahayag sa katumbas na paggalang sa buhay ng bawat tao. Kung wala ang Diyos ni Hesukristo, bawat pagkakaiba ay makababawas sa nakayayamot na banta, na ginagawang impossible ang kahit anong tunay na kapatirang pagtanggap at mabungang pagkakaisa sa lahi ng tao.

Ang pangkalahatan pagliligtas na inaalay ng Diyos sa pamamagitan ni Jesukristo, napinangunahan ni Benedict XV ang panawagan na itigil ang lahat ng uri ng pagkamakabayan at pagpapalahian, o ang pagsasama-sama ng pagpapahayag ng ebanghelyo na may ekonomiko at pangkawal na malasakit ng kapangyarihang kolonyal. Sa kanyang Liham Apostoliko Maximum Illud, napansin ng Papa na ang pangkalahatang misyon ng  Simbahan ay kailangang isantabi ang kurukurong pagtatangi ng pagkakasapi sa sariling bansa at etnikong pangkat. Ang pagbubukas ng kultura at ng komunidad sa makabagong pagliligtas ni Hesukristo ay nangangailangan nang pag-iwan sa anumang uri  ng di-karapat-dapat na etniko at mabagal na pagtugong pangsimbahan. Sa araw ding ito, kailangan ng Simbahan ang mga lalaki’t babae na, sa pamamagitan ng kabanalan ng binyag, bukas-palad na tumutugon sa tawag na iwan ang tahanan, pamilya, bansa, wika, ang pampook na Simbahan, at maipadala sa mga bansa, sa mundo na hindi pa napagbabagong-anyo sa mga sakramento ni Hesukristo at ng kanyang Banal na Simbahan. Sa pamamagitan ng pagpapahayag ng Salita ng Diyos, pagpapatotoo sa ebanghelyo, at pagdiriwang ng buhay na Espiritu, sila ay tinatawag sa pagbabalik loob sa Diyos, pagpapabinyag at pag-aalay ng Kristiyanong pagliligtas, na may paggalang sa kalayaan ng bawat tao at may pag-uusap sa mga kultura at mga  relihiyon ng mga tao kung saan sila ipinadala. Ang Missio Ad Gentes, na palaging kailangan para sa Simbahan, sa gayun ay nag-aambag sa napakahalagang paraan sa pagpapatuloy ng isinasagawang pagbabalik-loob sa lahat ng Kristiyano. Pananampalataya sa naganap na Muling Pagkabuhay ni Hesus, ang misyong pangsimbahan na tinanggap sa binyag, ang paglayo sa sariling heograpiko at kultura at sa sariling tahanan; ang pangangailangan ng kaligtasan sa kasalanan at pagpapalaya mula sa kasamaaang pansarili at panlipunan: lahat ng ito ay nangangailangan ng misyon na umaabot hanggang sa pinakadulo ng mundo.

Ang tulong na niloob ng Diyos ay pagkakataon ng taong sentenaryong ito na may pagdiriwang ng Tanging Kapulungang Pangsimbahan ng Amazon (Special Synod of the Churches  in the Amazon) pinahintulutan ako na bigyang-diin kung paano ang misyon ipinagkatiwala sa atin  ni Hesus  na may regalo mula sa Espiritu ay napapanahon din at kinakailangan para sa mga lupain at sa kanilang mamamayan. Ang makabagong pentekostes ay malawak na nabuksan ang mga pinto ng Simbahan, upang sa gayon ay walang kultura ang namamalaging sarado sa sarili at at walang taong nahihiwalay sa makasanlibutang pakikinabang ng pananampalataya. Walang sinuman ang  dapat manatiling nakasara sa pansariling kabawasan, sa makasariling pagpapakilala ng kanyang etniko at kinaaanibang relihiyon. Ang pangyayari sa Muling Pagkabuhay ni Hesus ay sumira sa makitid na hangganan ng mundo, ng mga relihiyon at mga kultura, tinatawagan sila na lumago na may paggalang sa dignidad ng mga lalaki’t babae, at tungo sa mas malalim na pagbabalik-loob sa katotohanan ng Panginoong Muling Nabuhay na nagbibigay ng tunay na buhay sa lahat.

Narito ako, pinaaalalahanan ng mga salita ni Pope Benedict XV sa simula ng pagpupulong  ng Latin American Bishops at Aparecida, Brazil noong 2007. Nais kong ulitin ang mga salitang ito ang gawin silang akin. “Ngunit ano ang kahulugan ng pagtanggap sa Kristiyanong paniniwala para sa mga bansa ng Latin America at ng Carribean? Para sa kanila, ibig sabihin pag-alam at pagtanggap kay Kristo, and di-kilalang Diyos , kung saan ay hinahanap ng kanilang ninuno, na hindi nauunawaan ito, sa kanilang mayamang tradisyong relihiyoso. Si Kristo ay ang Tagapagligtas, kung kanino sila ay tahimik na nagnanais, nangangahulugan rin na kanilang tinanggap, sa tubig ng binyag, sa banal na buhay na ginawa silang ampong anak ng Diyos, higit sa lahat, tinanggap nila ang Banal na Espiritu Santo na dumating upang gawing mabunga ang kanilang kultura, dinadalisay  ang mga ito at pinasisibol ang maraming buto upang ang nagkatawang taong Salita ay maitanim sa kanila, upang sa gayun ay magabayan sila patungo sa daan ng ebanghelyo… Ang Salita ng Diyos, na naging laman ni Jesukristo, na naging kasaysayan at kultura. Ang mga haka-haka na muling babalik sa paghinga ang buhay sa naunang relihiyong Columbian, ang paghihiwalay sa kanila mula kay Kristo at mula sa pangkalahatan Simbahan, ay hindi hakbang pasulong. Sa katotohanan, ito ay pagbalik patungo sa larangan ng kasaysayan na nakadaong sa nakaraan” (Address at the Inaugural Session, 13 May 2007: Insignamente III, 1 [2007], 855-856).

Ipinauubaya natin ang misyon ng Simbahan kay Maria, ang ating Ina. Kasama ng kanyang Anak, simula sa pagkakatawang tao, ang pinagpalang Birhen ay nagsimula sa kanyang paraan ng paglalakbay, Siya ay kasangkot sa ganap na misyon ni Hesus, ang misyon na naging kanya sa paanan ng krus, ang misyon ng pakikipagtulungan, bilang Ina ng Simbahan, sa pagdadala ng bagong mga Anak ng Diyos na ipinanganak ng Espiritu at ng pananampalataya.

Nais kong magtapos sa pamamagitan ng maikling salita tungkol sa Pontifical Mission Societies, na iminungkahi na sa Maximum Illud bilang dulugan ng misyonero. Ang Pontifical Mission Societies ay nagsisilbi sa pangkalahatang Simbahan bilang isang pandaigdigang network na umaalalay sa Papa sa kanyang misyonerong pangako ng pananalangin, ang kaluluwa ng misyon, ang bukas palad na pag-aalay buhat sa lahat ng Kristiyano sa buong mundo. Ang kanilang donasyon ay nakatutulong sa Papa sa pagsisikap na maipahayag ang ebanghelyo sa mga tanging Simbahan (the Pontifical Society  for the Propagation of the Faith), sa paghuhubog ng pambayang mga pari, (the Pontifical Society of St. Peter, the Apostle), ang pagpapataas ng kamalayang misyonero sa mga bata (Pontifical Society of Missionary Childhood), at sa paghihikayat sa lawak ng misyonerong pananampalatayang Kristiyano (Pontifical Missionary Union). Sa pagsisimulang muli ng aking pagtataguyod sa mga samahang ito, nagtitiwala ako na ang di-pangkaraniwang Misyonerong Buwan ng Oktubre 2019 ay mag-aambag sa pagbabagong muli ng misyonerong paglilingkod sa aking ministeryo.

Sa mga lalaki’t babaeng misyonero, at sa lahat na sa kabanalang ng kanilang binyag, nakibahagi sa anumang paraan sa misyon ng Simbahan, ipinahahatid ko ang aking mainit na pagpapala.

Mula sa Vatican, 9 June 2018, Solemnity of Pentecost.

FRANCIS

____________________________

Translated by Aurora Geronimo