Skip to main content

3rd day novena to St. Guido M. Conforti

| Francisco Javier Beltran Aceves

Ang krus at ang misyon

Pasimula

Mula sa kanyang pagkabata, ang pagkakita sa Krusipiho ay nagmarka sa buhay ni San Guido Maria Conforti.

“Ako ay naghahanap sa Kanya at Siya sa Akin, at tila may sinasabi Siyang maraming bagay sa akin.” Mula sa Krusipiho ang bokasyon ni Conforti, sa pagmumuni-muni sa Krus, iginuhit nito ang katapangan ng loob na harapin ang kahirapan ng buhay. Upang makilala at mahalin ang nakapakong Diyos, ay ang perpektong buhay para sa kanya.

Ang salita ng Diyos (Juan 3:14; 12:32; 19:32, Ap 1:7)

At kung paanong itinaas ni Moises ang tansong ahas doon sa ilang, gayundin naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumampalataya sa Kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. At kung ako’y maitaas na, ilalapit ko sa akin ang lahat ng tao. At may bahagi pa rin ng kasulatan na nagsasabi, “Pagmamasdan nila ang kanilang sinaksak ng sibat. Tingnan ninyo, dumarating siyang nasa mga alapaap at makikita siya ng lahat, pati ng mga sumibat sa kanyang tagiliran; tatangis ang lahat ng lipi sa lupa dahil sa kanya.

Salmo (21:1-3.7-9.23.25a.28-29)

TUGON: O Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?

O Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?
Sumisigaw ako ng saklolo, ngunit bakit di mo ako tinutulungan?
Araw-gabi’y tumatawag ako sa iyo, O Diyos,
di ako mapanatag, di ka man lang sumasagot. TUGON

Ngunit ikaw ang Banal na pinaparangalan,
at sa Israel ikaw ay pinapupurihan.
Pinagtatawanan ako ng bawat makakita sa akin,
inilalabas ang kanilang dila at sila’y pailing-iling.

Sabi nila, “Nagtiwala siya kay Yahweh;
hayaang iligtas siya nito. 
Kung talagang mahal siya nito,
darating ang kanyang saklolo!” TUGON

Noong ako ay iluwal, Ikaw, O Diyos, ang patnubay,
magmula sa pagkabata, ako’y iyong iningatan. 
Kayong lingkod ni Yahweh, siya’y inyong purihin! 
Kayong lahi ni Jacob, siya’y inyong dakilain,
bayan ng Israel, luwalhatiin siya’t sambahin! TUGON

Ginawa mo’y pupurihin sa dakilang kapulungan,
sa harap ng masunurin, mga lingkod mong hinirang, 
Kay Yahweh nauukol ang pamamahala,
naghahari siya sa lahat ng mga bansa. TUGON

Magsisiluhod lahat ang palalo’t mayayabang,
yuyuko sa harap niya, mga taong hahatulan. TUGON

Turo ni San Guido Maria Conforti

Ang iyong misyon at mga gawain ay nasa Krusipiho na ibinigay ko sa iyo at isinapuso mo ng may banal na kagalakan. Sa pamamagitan ng kahanga-hangang simbolo, binigkas Niya sa iyo ang salita na sinabi sa kanya ng mga alagad at ng mga tao noong ikalabing-siyam na siglo. Noong ako ay itinaas mula sa lupa, gumuhit sa akin ang lahat ng bagay. Sa mga salitang ito ay nabuo ang layunin ng kanyang misyon at ang lihim ng kanyang mga tagumpay. Ang misyon ni Kristo ay ang iyong misyon din, ang lihim ng kanyang tagumpay ay maging lihim din ng iyong mga tagumpay: ang Krus at ang iyong mga sakripisyo.

Panalangin

Diyos, Ama namin, na nagbigay kay San Guido Maria Conforti ng isang natatanging karanasan ng Hesus na nakapako sa Krus, pagkalooban Mo rin kami sa aming pagninilay-nilay sa Krus ng Iyong anak na maunawaan namin ang kadakilaan ng Iyong pag-ibig para sa kaligtasan ng lahat ng tao. Sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan ng pagliligtas at sa pamamatnubay ni San Guido Maria Conforti, ipagkaloob mo ang biyayang aming hinihiling…

Ama namin... Aba Ginoong Maria... Luwalhati sa Ama...