Skip to main content

9th day novena to St. Guido M. Conforti

| Francisco Javier Beltran Aceves

Pagiging bukas sa mundo

Panimula

Ang misyon ay hindi lamang upang magbigay, kundi upang tumanggap din. Iyon ang dahilan kung bakit kinakailangan nito ang kakayahan ng pagiging bukas ang pananaw upang kilalanin ang mga palatandaan ng presensiya ng Anak ng Diyos sa mundo. Ang pagtanggap sa Ebanghelyo ay nagpapadalisay at nagtataguyod ng mga kultura. Iminungkahi ni San Guido Maria Conforti sa kanyang misyonero ang isang matatag na paghahandang pangkultura, kasiglahan ng isip at puso, upang sa gayon ang Ebanghelyo ay maging ugat ng kaibuturan ng bawat isa. Siya ay naging isang halimbawa ng pagiging bukas sa kung ano ang bago, totoo at maganda sa isang matapat at matagalang usapin na may pagiging makabago.

Ang Salita ng Diyos (Att 17:23b; Fil 4:4-7).

Sa Diyos na hindi nakikilala. Ang Diyos na inyong  sinasamba kahit hindi ninyo nakikilala ay siya kong ipinapahayag sa inyo. Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko, magalak kayo! Ipadama ninyo sa lahat ang inyong kabutihang-loob. Malapit nang dumating ang Panginoon. Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.

Salmo (8)

TUGON: O Yahweh, na aming Panginoon, sa buong mundo’y tunay kang dakila!

Iyong papuri'y abot sa langit!
Pinupuri ka ng mga bata't bagong silang,
ikaw ay nagtayo ng isang tanggulan,
kaya't natahimik ang lahat ng iyong kaaway. TUGON

Pinagmasdan ko ang langit na gawa ng iyong kamay,
pati ang buwan at mga bituin na iyong inilagay.
Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan;
o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?
Nilikha mo siyang mababa sa iyo b nang kaunti,
pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati. TUGON

Ginawa mo siyang pinuno ng lahat ng iyong nilikha,
sa lahat ng mga bagay, siya ang iyong pinamahala:
mga tupa at kawan pati na ang mababangis,
lahat ng ibong lumilipad, at mga isda sa karagatan,
at lahat ng nilikhang nasa karagatan. TUGON

Turo ni San Guido Maria Conforti

Para sa mga Misyonerong mag-aaral, kinakailangan ang sapat na kakayahan ng isip, malusog na pangangatawan, katapatan ng pagkatao at kagaanan sa pakikipag-ugnayan sa iba, laluna sa buhay na nagnanais ng pagpapakabanal sa sarili at hindi lamang sa pagninilay-nilay, sa halip ay higit na masigla sa pagpapalaganap sa paghahari ni Kristo. Kaya ito ay kinakailangan ang isang malaking kalinangan ngunit hindi pangkaraniwan. Kailangan magkaroon ng isang  banal  na  paligsahan ng pagkuha ng kaalaman sa mga batang mag-aaral: ang bawat isa ay maaaring maging handa upang ibahagi ang kanyang kaalaman nang hindi nagmamalaki at nang-iinggit. Maaaring ang bawat kapulungan ng Paaralan ay maglaan ng isang buong Aklatang may katipunan, hindi lamang ng sinaunang pinakamahuhusay na manunulat, kundi mga kilalang mapagkakatiwalaang makabagong manunulat… upang gawin ang isang mahalagang paghahanda ng isang misyonero. Ito ay kinakailangan ding magbigay ng ilang mga museo o mga ibang bagay na nagmumula sa iba’t ibang misyon tungkol sa tradisyon, sining at relihiyon. Magiging kapuri-puri ang bawat misyonero, na walang pagkiling sa mga banal na ministeryo at sa kahirapang turo ng Ebanghelyo na ipadadala sa paaralan upang ipamalas o ipakita ang ilang mga bagay na ito.

Panalangin

Ipagkaloob mo sa amin O Panginoon, ang lawak ng Espiritu at ang karunungan ng puso na ipinagkaloob mo sa iyong lingkod na si San Guido Maria Conforti. Matutunan nawa ng iyong Simbahan ang mga tanda ng panahon upang malayo sa anumang bagay na salungat sa Ebanghelyo at upang gumalaw ang Espiritu Santo sa puso ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng iyong lingkod, ipagkaloob mo ang biyaya na aming hinihingi…

Ama namin... Aba Ginoong Maria... Luwalhati sa Ama...