Skip to main content

Tinanggihan si Jesus ng kaniyang Kababayan

| Byamungu Mahanga Augustin

Ika-4 Linggo sa karaniwang panahon K. / Pagninilay,   Lucas 4:21-30.

Sa bahaging ito ng Ebanghelyo ni San Lukas, nagpapasimula pa lang si Jesus ng kaniyang ministeryo at nagpunta sa sinagoga sa Nazaret upang magbasa ng kasulatan. Pagkatapos, ipinaliwanag niya na natupad na ang kaniyang binasa sa aklat ni propeta Isaias habang nakikinig sila. Una, pinuri siya ng mga tao, natutuwa sila sa kaniyang sinabi pero pagkatapos, naging salungat sila sa kaniya nang binigyan-diin niya na hindi lamang para sa mga kababayan niya ang pabor ng Dios kundi para sa lahat ng mga tao, kahit sa mga pagano. Ito ang ikinalungkot nila at ipinagtabuyan nila si Jesus sa tuktok ng burol upang itulak sa bangin. Ang sanhi ng problema ay ang katigasan ng kaloobang naging hadlang upang tanggapin ang bagong karanasan. Akala nila, sila lamang ang tagapakinabang ng pabor ng Diyos at hindi ang iba pa. Ang biyaya ng para sa lahat ay bagong karanasan sa kanilang talino at di katanggap-tanggap. 

Sa kasalukuyan, ang pagsalungat sa bagong karanasan ay isa sa mga problema sa ating lipunan, kasamahan at simbahan man. Dahil dito, marami pa ang mga Kristiyanong tinatanggihan ng kanilang lipunan dahil sa kanilang pananampalataya, kasi ayaw ng mga taong harapin ang bagong karanasan. Sa ating mga Kristiano, minsan ayaw din nating tanggapin ang mga bagong karanasan sa ating komunidad kahit tinutulungan tayong maintindihan ang walang hanggang pag-ibig ng Diyos. Ilang taon na ang nakakalipas nang nagtagpo kami ni Fr. Seth, isang bagong kura paroko. Sinabi niya sa akin na may problema siya sa kaniyang mga tagaparokya, kasi ayaw nilang payagan ang mga kabataan na maging ”lectors” sa misa. Sabi nila para sa matatanda lang ang ministeryong ito, ayon sa kanilang kaugalian at ito ay naging isang seryosong usapin sa komunidad nila. Tinanong nila kung kagustuhan ba iyon ng Diyos. Sa puntong ito, kailangan natin ng matibay na pananampalataya upang maniwala tayo na maaari tayong kausapin ng Dios sa pamamagitan ng mga bagong karanasan.  Samakatuwid, kailangan natin patibayin ang ating pananampalataya. Ang pananampalataya ay nababatay sa pagtatanggap at pagsasabuhay ng kalooban ng Dios at pumayag sa kaniyang plano sa ating kahit hindi ito sumasang-ayon sa ating gusto o palagay. Tayo ang dapat sumunod sa plano ng Diyos, at hindi siya ang dapat sumunod sa ating. 

Ang pakikitungo ni Jesus sa kaniyang mga kababayang tumatanggi sa kaniya ay mahalaga sa ating buhay kristiano. Una, masigasig siyang ipahayag ang katotohanan kahit hindi sila sumasang-ayon dito. Tapos, noong nagalit ang mga taong nasa sinagoga, ipinagtabuyan nila siya sa labas, sa tuktok ng burol upang itulak sa bangin, ngunit dumaan lang siya sa gitna nila at umalis. Kaya, hindi tayo dapat mahiyang ipahayag ang ating pananampalataya kahit nililibak tayo ng mga tao. Hindi tayo dapat panghinaan ng loob dahil sa pagtanggi nila sa ating pananampalataya.

  • Naranasan na ba ninyong maalipusta o matanggihan dahil sa inyong pananampalataya?
  • Paano kayo nakikitungo sa mga taong tumatanggi sa inyong pananampalataya?