Skip to main content

57th World Communications Day

| Jose Manga Jr.

Naglabas ng mensahe si Pope Francis kaugnay ng pagdiriwang ng ika-57 Pandaigdigang Araw ng Social Communications. Sa kanyang mensahe, binigyang diin ng Santo Papa ang kahalagahan ng pagsasalita nang may puso. Ang puso ang tumutulak sa atin na humayo, magmasid, at makinig; ang puso ang nagpapakilos sa atin tungo sa isang bukas at mapagtanggap na komunikasyon.   

Sa pakikinig, pumapasok tayo sa isang dinamikong ugnayan ng dialogo at pagbabahagi, isang komunikasyon na may paggalang.  

Matapos makinig nang may puso, nakapagsasalita tayo ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig (Efeso 4:15).  

Huwag dapat tayong matakot na ipahayag ang katotohanan, kahit pa sa isang hindi kaaya-ayang sitwasyon, ngunit ito ay ating gagawin nang may puso, nang may pagmamahal.  

Sa diwa ng pag-ibig, ang isang himala ng pakikipagtagpo ay nagaganap kung saan tinitingnan natin ang isa’t isa nang may pagdamay, may pagtanggap sa kahinaan ng bawat isa, may paggalang, hindi humumusga ayon lamang sa haka-haka, at hindi nagtatanim ng di-pagkakaintindihan at pagkakawatak-watak.  

Upang makapagsalita ng katotohanan nang may pag-ibig, mahalagang dalisayin ang ating puso. Ang panawagang magsalita nang may puso ay humahamon sa ating panahong kung saan namamayani ang kawalang-pakialam, and galit dulot ng kawalang-katarungan, ang kasinungalingan at pagbaluktot sa katotohanan.   

Communicating Cordially  

Sa isang magalang na komunikasyon ang mga nakikinig sa atin ay bukas sa ating pakikibahagi sa kanilang tuwa, pangamba, pag-asa, at pagdurusa. Ang mga nagsasalita sa paraang may paggalang ay nagmamahal sa iba dahil pinangangalagaan niya ang kanilang kalayaan nang hindi ito pinagsasamantalahan. Ganito ang nangyari sa dalawang alagad na naglalakbay patungong Emaus nang makasabay nila ang isang taong hindi nila nakilala ngunit nakipag-usap sa kanila. Kanilang nasabi, “Kaya pala nag-aalab ang ating puso habang tayo'y kinakausap niya sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang mga Kasulatan!” (cf. Lk 24:32). Sapagkat si Hesus ay nangusap sa kanila nang may puso, nakilakbay sa kanilang pighati, hindi ipinagpilitan ang ganang kaniya, bagkus, ipinakilala ang kanyang sarili, at buong pagmamahal na binuksan ang kanilang isipan upang maunawaan ang kahulugan ng lahat ng nangyari.  

Lahat tayo ay tinatawag na magsuri at magsalita ayon sa katotohanan, at gawin ito nang may pagmamahal. Tayong mga Kristiyano, lalo na, ay patuloy na hinihikayat na “pigilan ang ating dila sa paghabi ng kasamaan” (Salmo 34:13) dahil sinasabi sa Banal na Kasulatan na ang mga dilang ito rin ang “ginagamit natin sa pagpupuri sa ating Panginoon at Ama, at ito rin ang ginagamit natin sa panlalait sa taong nilalang na kalarawan ng Diyos” (cf. Santiago 3:9). Walang masamang salita ang dapat manggaling sa ating bibig bagkus iyon lamang “makapagpapalakas at angkop sa pagkakataon upang makapagdulot ng mabuti sa mga nakakarinig.” (Efeso 4:29)    

Pagkaminsan, ang pakikipag-usap na katulad sa isang kaibigan ay nagiging tulay kahit pa sa may pinakamatigas na puso. Nararanasan  natin ito sa isang lipunan kung saan ang kabutihan ay nagiging panlaban sa kalupitan na lumalason sa puso at sumisira sa relasyon. Kailangan natin ito lalo na sa larangan ng media upang ang komunikasyon ay hindi magbunga ng poot na nagiging sanhi ng away at gulo, kundi makatulong upang ang mga tao’y makapagnilay at makaunawa sa realidad kung saan sila nabubuhay. 

Communicating heart to heart: “In order to speak well, it is enough to love well”  

Si San Francisco de Sales, isang Doctor ng Simbahan, naging Obispo ng Geneva sa pasimula ng ika-17 siglo, ang panahon ng kainitan ng pakikipagtalo sa Calvinismo, sa kanyang buong kahinahunan at kababaan, ay nagsabing “ang puso ay nagsasalita sa puso.” Ang kaniyang paninidigan, “Upang makapagsalita nang mahusay, sapat na ang magmahal nang mahusay.” Para sa kanya, ang komunikasyon ay hindi dapat maging isang pagpapanggap, o isa lamang marketing strategy, bagkus, maging salamin ng ating kaluluwa, maging repleksyon na nakikita ng pag-ibig na hindi nakikita. Ayon pa sa kanya, “sa puso at sa pamamagitan ng puso, nangyayari ang isang proseso kung saan higit na nakikilala natin ang Diyos.” 

Sa ganitong pamantayan ng pag-ibig, pinapaalala sa atin ng dakilang santo na “kung ano ang ating ipinapahayag, ay gayon din tayo.”    

Taliwas ito sa ating panahon ngayon, kung saan, batay sa ating karanasan sa social media, ang komunikasyon ay minamanipula upang ang maging tingin sa atin ng mundo ay kung ano ang gusto nating makita nila, hindi ang kung sino tayo. 

Nawa ang mga taong nagtatrabaho sa larangan ng komunikasyon ay makadama ng inpsirasyon mula sa dakilang santo, upang sila’y maging mapanuri, at maipahayag nila nang buong tapang at may kalayaan ang katotohanan, at maiwasan ang tukso ng paggamit ng mga sensational at palaaway na mga ekspresyon. 

Speaking with the heart in the synodal process 

Binigyan diin pa ni Pope Francis na sa Simbahan man ay may malaking pangangailangan sa pakikinig sa bawat isa. Ito ang pinakamahalaga at pinaka-nagbibigay-buhay na regalo na ating maibibigay sa isa’t isa.” Ang pakikinig nang walang panghuhusga, nakatuon at bukas, ay nagbibigay-daan upang tayo’y makapagsalita ayon sa paraan ng Diyos.  

Sa panahon ngayon, sa Simbahan, may pangangailangan tayo para sa isang komunikasyon na nagpapaalab ng puso, na lumulunas sa mga sugat, at tumatanglaw sa paglalakbay ng ating mga kapatid. 

Nangangarap ang Santo Papa ng isang komunikasyong ecclesial na marunong magpailalim sa paggabay ng Espiritu Santo, mahinahon ngunit mala-propeta, marunong maghanap ng mga paraan para sa mahusay na pagpapahayag ng Magandang Balita sa ikatlong milenyo. Isang paraan ng komunikasyon na inilalagay sa sentro ang relasyon sa Diyos at sa kapwa, alam kung paano pag-alabin ang pananampalataya hindi ang pagkamakasarili, nakikinig nang may kababaang-loob ngunit nagsasalita nang may kalayaan, nang hindi nahihiwalay sa katotohan at pagmamahal.  

Disarming souls by promoting a language of peace  

Ayon sa Kawikaan 25:15, “Sa malumanay na pakiusap pusong bato'y nababagbag”, Sa ngayon, higit kailanman, lubhang kailangan natin ang mangusap nang may puso upang maghari ang kapayapaan sa mga lugar kung saan may digmaan; upang magbigay-daan tungo sa dialogo at pakikipagkasundo kung saan namamayani ang galit at pagtatalo. Kailangan natin ng mga tagapagsalitang bukas sa dialogo, at kasangkot sa pagsusulong ng mga hakbang sa pagsugpo ng karahasan, at nakikibahagi sa pagsupil sa mga agresibo at marahas na kaisipan na nanahan sa atin.  

Bilang mga Kristiyano, batid natin na ang tadhana ng kapayapaan ay nakasalalay sa pagbabago ng puso dahil ang virus ng digmaan ay nagmumula sa kalooban ng puso ng tao. Sa puso rin nagmumula ang mga akmang salita upang mabura ang anino ng sarado at watak-watak na mundo, at makabuo ng sibilisasyong mas mainam kaysa sa atin nang nararanasan. Bawat isa sa atin ay hinihikayat na makisangkot sa ganitong pagsisikap, ngunit lalo’t higit, ito ay hinihikayat sa mga nagtatatrabaho sa larangan ng komunikasyon upang maisagawa nila ang kanilang propesyon bilang isang misyon.  

Panalangin ng Santo Papa: 

Nawa, ang Panginoong Hesus, ang dalisay na Salita na nagmula sa puso ng Ama, ay tulungan tayong gawing malinaw, bukas at ramdam ng puso ang ating komunikasyon. 

Nawa, ang Panginoon Hesus, ang Salita na nagkatawang-tao, ay tulungan tayong makinig sa bawat pintig ng puso, makitang muli ang ating sarili bilang magkakapatid, at iwaksi ang poot na siyang naghihiwalay sa atin. 

Nawa, ang Panginoon Hesus, ang Salita ng Katotohan at Pag-ibig, ay tulungan tayong magsalita ng katotohanan sa diwa ng pagmamahal upang madama natin na tayo’y tagapangalaga ng bawat isa.